Kahit Kapaskuhan, walang reconciliation: Lotlot at Ian de Leon, ‘di pa rin okay
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-12-27 21:46:34
Usap-usapan sa social media ang magkakaibang Christmas celebrations ng mga anak ng yumaong Superstar na si Nora Aunor—lalo na’t kapansin-pansin ang tila patuloy na cold war sa pagitan ng magkapatid na sina Lotlot de Leon at Ian de Leon.
Sa mga kumalat na video at larawan, makikita ang masayang Christmas party ng pamilya ni Lotlot kasama ang kanyang mga anak at maging ang dating asawang si Monching Gutierrez. Present din sa selebrasyon ang ilan sa kanyang mga kapatid—sina Matet de Leon, Kenneth de Leon, at Kiko de Leon—ngunit kapansin-pansing wala si Ian.
Dahil dito, umani ng komento ang posts, may ilang nagsabing “wala ang tunay na De Leon.” Dagdag pa sa usap-usapan, binati ni Lotlot si Kiko sa kaarawan nito kamakailan, ngunit walang birthday post para sa 50th birthday ni Ian noong December 11. Sa kabilang banda, nagdiwang si Ian ng kaarawan kasama ang ilang kapatid—ngunit wala rin si Lotlot sa mga kuha.
May mga larawan din si Ian na kuha sa Libingan ng mga Bayani noong kanyang kaarawan, kung saan dinalaw ang puntod ni Ate Guy kasama ang ilang fans at si Kenneth—muli, wala si Lotlot sa eksena.
Matatandaang noong Setyembre, inamin ni Lotlot na hindi pa sila nag-uusap ni Ian, bagama’t hindi na idinetalye ang pinagmulan ng hidwaan. Para sa marami, panahon na lang ang makapagsasabi kung kailan maaayos ang gusot—lalo’t nananatili ang pagmamahalan bilang magkakapatid at alaala ng kanilang ina.
