Diskurso PH
Translate the website into your language:

Kathryn Bernardo, Mark Alcala spotted sa fine dining resto — hard launch kelan?

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-12-27 21:20:57 Kathryn Bernardo, Mark Alcala spotted sa fine dining resto — hard launch kelan?

Usap-usapan ngayon sa social media ang isang viral photo na umano’y kuha sa isang mamahaling fine dining restaurant, kung saan natiyempuhan umanong magkasamang nagdi-dinner ang Kapamilya superstar na si Kathryn Bernardo at ang Lucena City mayor na si Mark Alcala.

Ang naturang larawan ay unang kumalat sa TikTok matapos i-post ng isang netizen, kung saan makikitang magkatabi ang dalawa habang kumakain. Bagama’t kuhang nakatalikod, marami ang nagsasabing kahawig umano talaga nina Kathryn at Mayor Mark ang mga nasa photo—lalo na’t kita ang side profile at postura na pamilyar na pamilyar sa fans.

Hindi rin nagtagal ay umabot ang nasabing larawan sa Reddit, kung saan mas lalong uminit ang espekulasyon. Ayon sa ilang netizens, tila mas “matapang” na raw ngayon ang dalawa pagdating sa kanilang public appearances.

May mga natuwa at kinilig sa posibilidad na masaya raw ang dalawa sa piling ng isa’t isa. Mayroon namang iba na nagduda, at sinabing baka AI-generated lamang ang larawan. Gayunpaman, mas marami pa rin ang naniniwalang totoo ito at posibleng senyales na ng unti-unting paglalantad ng rumored couple.

“Napapagod na siguro magtago sina Kathryn at Mark. Haha,” komento ng isang netizen.

“Baka ready na mag-public announcement,” hirit naman ng isa.

“Hard launch na ba ‘to? Hindi na nga raw pinasara ang restaurant,” dagdag pa ng iba.

Sa kabila ng kaliwa’t kanang reaksyon at haka-haka, nananatiling tikom ang bibig ng magkabilang kampo. Wala pang opisyal na pahayag sina Kathryn at Mayor Mark hinggil sa kumakalat na larawan o sa tunay na estado ng kanilang relasyon.

Sa ngayon, tanong ng bayan: simpleng dinner lang ba ito o unti-unti na ngang nagha-hard launch ang bagong tambalan na pinag-uusapan ng lahat? Abangan ang susunod na pasabog.

Larawan: Tiktok