Diskurso PH
Translate the website into your language:

Toni Fowler, isinapubliko ang pinagdaanang sakit matapos ma-diagnose ng H. pylori: 'Hindi arte ang pag-iingat sa pagkain'

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-12-28 19:26:58 Toni Fowler, isinapubliko ang pinagdaanang sakit matapos ma-diagnose ng H. pylori: 'Hindi arte ang pag-iingat sa pagkain'

Hindi naging biro ang naging pagsubok sa kalusugan ng social media personality at vlogger na si Toni Fowler ngayong patapos na ang 2025. Sa isang tapat at emosyonal na Facebook post, ibinahagi ni Toni na siya ay na-diagnose ng H. pylori infection, na ayon sa kanya ay posibleng nakuha niya sa madalas na pagkain ng street food o mas kilala bilang tusok-tusok.

Aminado ang vlogger na mula pagkabata ay hindi siya mapili sa pagkain. Dahil simple lang ang kanilang pamumuhay noon, nakasanayan na raw niya ang pagkain ng mga abot-kayang street food gaya ng kwek-kwek, fishball, isaw, at iba pa.

“Mahilig ako sa street foods… basta tusok-tusok, game ako diyan—kwek-kwek, fishball, isaw BBQ, lalo na ‘yung dos-tres,” saad ni Toni.

Gayunman, inamin din niya na hindi lahat ng ganitong pagkain ay ligtas. Ayon sa kanya, may mga pagkakataong hindi maayos ang pagkakaluto, marumi ang tubig na ginagamit, o kaya naman ay nadudumihan dahil sa usok at polusyon sa mga bangketa kung saan ito ibinebenta.

Dahil dito, ayon mismo kay Toni, nagkaroon siya ng H. pylori infection na nagdulot ng matinding hyperacidity at sunod-sunod na pag-ospital—isang karanasang talaga namang nagpaalala sa kanya ng kahalagahan ng pag-aalaga sa sarili.

“Lesson learned: Hindi arte ang pag-iingat sa pagkain, pagmamahal sa sarili ang tawag doon,” emosyonal niyang pahayag.

Ang H. pylori ay isang uri ng bacteria na umaatake sa lining ng tiyan at maaaring magdulot ng gastritis at peptic ulcers. Madalas itong nakukuha sa maruruming pagkain o kontaminadong tubig, at sa ilang kaso ay hindi agad nagpapakita ng sintomas. Kapag hindi agad naagapan, maaari itong magdulot ng matinding pananakit ng tiyan, pagsusuka, at iba pang komplikasyon.

Sa kabila ng kanyang pinagdaanan, pinasalamatan pa rin ni Toni ang mga sumuporta at nagpaabot ng dasal para sa kanyang paggaling. Umaasa rin siyang magsisilbi itong paalala sa kanyang followers na huwag balewalain ang kalusugan, gaano man kasimple o kasanay ang lifestyle.

Sa huli, malinaw ang mensahe ng vlogger: masarap man ang tusok-tusok, mas mahalaga pa rin ang kalusugan—dahil minsan, ang pagiging maingat ay hindi kaartehan kundi pagmamahal sa sarili.

Larawan: Toni Fowler Facebook