Pag-ibig ang bida: mga kasalang nagmarka sa showbiz noong 2025
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-12-31 17:53:52
Talagang umaapaw ang kilig sa showbiz noong 2025 matapos sunod-sunod na celebrities—lokal man o international—ang tuluyang nagbigkis ng kanilang pagmamahalan. Mula sa mga intimate at tahimik na seremonya hanggang sa bongga at star-studded na kasalan, pinatunayan ng mga artista na handa na silang piliin ang forever.
Isa sa mga pinakanagulat ang fans ay ang kasal nina Ronnie Alonte at Loisa Andalio, na isinabay sa kanilang engagement announcement. Samantala, usap-usapan din ang eleganteng Tagaytay wedding nina Zeinab Harake at Ray Parks Jr., na dinaluhan ng maraming celebrity friends.
Emosyonal at puno ng saya ang kasal nina Kiray Celis at Stephan Estopia, habang matapos ang mahigit isang dekadang relasyon ay tuluyan na ring nagpakasal sina EA Guzman at Shaira Diaz.
Hindi rin nagpahuli ang international couples. Ikinatuwa ng fans ang kasal nina Kristen Stewart at Dylan Meyer, pati na rin nina Selena Gomez at Benny Blanco. Sa South Korea naman, kinilig ang netizens sa balitang kasal na sina Kim Woo-bin at Shin Min-ah matapos ang mahigit isang dekadang relasyon.
Kasama rin sa mga naglakad sa altar noong 2025 sina Carla Abellana at Dr. Reginald Santos, Claudia Barretto at Basti Lorenzo, Michele Gumabao at Aldo Panlilio, Hailee Steinfeld at Josh Allen, pati na rin sina Leila Alcasid at Curtismith.
Sa dami ng kasalang naganap, malinaw na 2025 ang taon ng pagmamahalan sa showbiz—taong nagpapatunay na sa kabila ng intriga at spotlight, pinipili pa rin ng mga artista ang tahimik ngunit matatag na pangako ng habambuhay.
