Award-winning actress na si Sue Prado, biglang pumanaw
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2026-04-16 01:49:13
Nagluluksa ngayon ang showbiz industry matapos pumanaw ang mahusay na character actress na si Sue Prado sa edad na 44.
Kinumpirma ng kanyang pamilya ang malungkot na balita sa pamamagitan ng isang social media post noong Miyerkules ng gabi, April 15. Gayunman, hindi pa ibinunyag kung ano ang naging sanhi ng kanyang pagpanaw.
Sa Facebook post ng kanyang kapatid na si May Shereen, ibinahagi nito ang taos-pusong mensahe para sa aktres.
Ayon sa kanyang kapatid, si Sue ay isang taong nagbigay ng liwanag sa buhay ng maraming tao at nag-alay ng kanyang buhay sa kanyang sining at sa mga taong mahal niya.
“Please celebrate her in any way you know how, and honor her memory through kindness,” aniya sa kanyang post.
Nakilala si Sue bilang isa sa mga mahuhusay na character actress sa industriya. Kabilang sa kanyang mga proyektong tumatak sa publiko ang pelikulang Barber’s Tales, pati na ang “Oro,” “Area,” “Himpapawid,” “Dagsin,” at “Thelma.”
Napanood din siya sa ilang serye sa telebisyon kabilang ang FPJ’s Ang Probinsyano na pinagbidahan ni Coco Martin, pati sa mga seryeng “Gameboys,” “Abot Kamay na Pangarap,” “Prinsesa ng City Jail,” at “My Father’s Wife.”
Bukod sa pag-arte, naging bahagi rin siya ng jury ng Sharm El Sheikh Asian Film Festival noong 2019.
Ikinagulat ng marami ang kanyang biglaang pagpanaw dahil kamakailan lamang ay nakita pa siyang dumalo sa story conference ng pelikulang “The Flying Red Balloon” na idinirehe ni Louie Ignacio.
Magdiriwang sana ng kanyang ika-45 kaarawan si Sue sa May 18.
Sa ngayon, inaasahang ibabahagi ng kanyang pamilya sa mga susunod na araw ang mga detalye tungkol sa burol at memorial para sa yumaong aktres.
