Beyoncé, opisyal nang bilyonaryo—kayamanan posibleng pumalo sa P8.3B
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2026-01-02 22:19:29
Hindi lang sa entablado umaalagwa ang career ni Beyoncé—pati sa pera, all-time high na rin. Ayon sa Forbes, pormal nang umabot sa billionaire status ang 44-anyos na global superstar, isang bihirang tagumpay na iilan lamang sa mundo ng musika ang nakakamit.
Kasama na niya ngayon sa eksklusibong hanay ng mga bilyonaryong musikero ang mister niyang si Jay-Z, pati sina Taylor Swift, Bruce Springsteen, at Rihanna.
Paano niya nakuha ang bilyon? Sunud-sunod ang panalong taon ni Queen Bey. Noong 2023, ang Renaissance World Tour ay naghatid ng halos $600 milyon sa kita. Sinundan ito ng 2024 release ng Grammy-winning country album na Cowboy Carter, na lalo pang nagpalawak ng kanyang audience. Pagsapit ng 2025, tinuldukan niya ang momentum sa pamamagitan ng pinakamalaking global tour ng taon.
Ayon sa pagtataya ng Forbes, umabot sa $148 milyon ang kinita ni Beyoncé bago pa man buwisan noong 2025—katumbas ng humigit-kumulang P8.3 bilyon. Iyan na rin ang ikatlong pinakamataas na kita ng isang musikero sa buong mundo sa naturang taon.
Saan talaga galing ang yaman? Bagama’t may mga negosyo si Beyoncé—mula hair-care brand at whiskey label hanggang clothing line—binigyang-diin ng Forbes na musika pa rin ang pangunahing pinanggagalingan ng kanyang kayamanan. Malaki ang ambag ng global tours, record sales, at higit sa lahat, ang mahigpit niyang kontrol sa rights ng kanyang back catalog.
Sa madaling sabi: habang patuloy na nag-i-evolve ang tunog at imahe niya, tuloy-tuloy din ang pag-angat ng kanyang imperyo. Queen Bey, indeed—sa stage at sa bank account.
