Countdown na? BTS nagpasabog ng cryptic clue para sa 2026 pagbabalik
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2026-01-02 22:31:36
Mukhang bonggang salubong ang 2026 para sa K-pop fans matapos magparamdam ang BTS ng kanilang pinakaaabangang comeback.
Sa isang misteryosong post sa Weverse, ibinahagi ng grupo ang petsang 2026.03.20, na agad nagpasiklab ng espekulasyon na dito ilalabas ang kanilang bagong album. Kasabay nito ang paglabas ng tila bagong logo, na mas lalong nagpainit sa excitement ng ARMY sa buong mundo.
Ramdam din ang pananabik ng ilang miyembro tulad nina Jimin at V, na nagbahagi ng mensaheng tumutukoy sa “better memories in 2026.” Dagdag pa rito, nilinis ng grupo ang kanilang Instagram feed at iniwan lamang ang kanilang black-and-white logo—isang galaw na madalas iugnay sa paghahanda para sa bagong era.
Hindi lang sa Instagram, pati ang layout ng kanilang Facebook, X (dating Twitter), TikTok, at iba pang opisyal na accounts ay binago rin, bagay na lalong nagpatibay sa paniniwala ng fans na may malaking pasabog na paparating.
Kinumpirma naman ng kanilang label na BigHit Music na nakatakda ngang ilabas ang album sa nasabing petsa, na magiging unang full-group comeback ng BTS makalipas ang mahigit tatlong taon.
Matatandaang muling nagsama-sama ang grupo noong 2025 matapos makumpleto ng lahat ng miyembro ang mandatory military service. Habang hinihintay ang opisyal na pagbabalik, naging abala muna ang bawat isa sa kani-kanilang solo projects—mula sa paglalabas ng albums at world tours hanggang sa pagiging aktibo sa fashion, art, at kultura.
Sa ngayon, nananatiling tikom ang bibig ng BTS sa detalye ng kanilang comeback. Pero sa isang OT7 live na ginawa nila sa pagsalubong ng Bagong Taon, malinaw ang mensahe: handa na silang magbukas ng panibagong kabanata—kasama ang kanilang ARMY—sa 2026.
