Diskurso PH
Translate the website into your language:

Direk Jun Robles Lana, umalma sa mahal na sine tickets: ‘Hindi na para sa masa ang MMFF’

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2026-01-02 20:39:54 Direk Jun Robles Lana, umalma sa mahal na sine tickets: ‘Hindi na para sa masa ang MMFF’

Hindi pinalampas ni Jun Robles Lana ang isyu ng patuloy na pagtaas ng presyo ng sine tickets, lalo na nitong nagdaang Metro Manila Film Festival 2025.

Sa isang matapang na pahayag sa X nitong Enero 1, binalikan ng beteranong direktor ang panahong kilala ang MMFF bilang “people’s festival”—ang iisang okasyon sa taon kung kailan nagiging tradisyon ng mga pamilyang Pilipino ang mamasyal sa mall at manood ng pelikula nang magkakasama.

Ayon kay Direk Jun, ibang-iba na ang sitwasyon ngayon. Sa kasalukuyang presyo ng tickets, aabot na umano sa humigit-kumulang ₱1,500 ang gagastusin ng pamilyang may apat na miyembro para lang makapasok sa sinehan—wala pa rito ang pamasahe at kahit isang bag ng popcorn.

Para sa direktor, hindi lang manonood ang nawawala kapag patuloy na itinataas ang presyo, kundi ang mismong diwa ng pelikulang Pilipino. Aniya, mula sa pagiging bahagi ng pambansang kultura, unti-unti raw itong nagiging luho na para lamang sa iilang may kaya.

Binigyang-diin din ni Direk Jun na mahirap isulong ang isang “National Film Festival” kung hindi ito kayang abutin ng karaniwang mamamayan. Kung magpapatuloy umano ang ganitong sistema, posibleng mauwi sa dahan-dahang pagbagsak ng lokal na industriya ng pelikula.

Hindi rin nagpahuli ang netizens sa paglabas ng kani-kanilang saloobin. May ilan na nagsabing hindi presyo lang ang problema kundi pati kalidad at pamamalakad ng festival. Mayroon ding nanawagan na ibigay na lamang sa mas angkop na ahensya ang pangangasiwa ng MMFF.

Si Direk Jun ang nasa likod ng 51st MMFF entry na Call Me Mother, na pinagbidahan nina Vice Ganda, Nadine Lustre, at Lucas Andalio. Kabilang din sa kanyang mga kinilalang obra ang Die Beautiful, Kalel, 15, at Bwakaw—mga pelikulang nagmarka hindi lang sa takilya kundi pati sa diskurso ng pelikulang Pilipino.

Sa ngayon, nananatiling mainit ang usapin: hanggang kailan magiging “para sa lahat” ang sine, kung patuloy itong nagiging mahal para sa masa?