Elisse Joson, mariing itinanggi ang pagiging 'side chick' sa hiwalayan nina Aljur Abrenica at Kylie Padilla
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2026-01-02 10:15:12
Mariing pinabulaanan ng aktres na si Elisse Joson ang kumakalat na espekulasyon sa social media na siya umano ang ikatlong partido o “side chick” sa hiwalayan ng dating mag-asawang sina Aljur Abrenica at Kylie Padilla.
Sa isang TikTok video na mabilis na nag-viral, diretsahang nilinaw ni Elisse ang isyu at sinabing wala siyang kinalaman sa anumang relasyon na nasira. Ayon sa aktres, gusto na niyang tapusin ang mga maling paratang at pumasok sa bagong taon nang may kapayapaan at malinaw na konsensya.
“Hindi ako side chick. Wala akong inagaw. Hindi ako dahilan ng kahit anong hiwalayan,” mariing pahayag ni Elisse sa kanyang post, na agad umani ng samu’t saring reaksiyon mula sa netizens.
Nagsimula ang intriga matapos maiugnay ang pangalan ni Elisse kay Aljur sa gitna ng patuloy na usapin tungkol sa hiwalayan nito kay Kylie. Dahil dito, hindi naiwasang mapunta sa aktres ang matinding spekulasyon at bashings online.
Gayunman, iginiit ni Elisse na wala siyang dapat ipaliwanag pa, pero pinili niyang magsalita upang linisin ang kanyang pangalan at tapusin na ang tsismis.
Habang marami ang nagpahayag ng suporta at paghanga sa tapang ni Elisse na magsalita, mayroon ding mga nagsabing dapat ay manatiling pribado na lamang ang isyu. May ilan ding umaasang magsasalita rin ang iba pang sangkot upang tuluyang malinawan ang publiko.
Sa ngayon, nananatiling tikom ang bibig nina Aljur at Kylie kaugnay sa isyung kinasasangkutan ng pangalan ni Elisse. Mas pinipili umano ng magkabilang panig na ituon ang atensyon sa kani-kanilang pamilya at personal na buhay.
Sa kabila ng kontrobersiya, iginiit ni Elisse Joson na handa na siyang iwan ang intriga sa nakaraan at ituon ang pansin sa kanyang sarili, anak, at karera—malayo sa anumang isyung hindi naman niya sinimulan.
Abangan kung magsasalita pa ang iba pang personalidad na nadadamay sa kontrobersiyang ito.
