Hindi masaya ang umpisa ng taon: Camera ni Charlie Fleming, tinangay
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2026-01-02 20:49:35
Hindi naging masaya ang pagsalubong ng 2026 para kay Charlie Fleming, ang 3rd Big Placer Duo ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition, matapos umano siyang manakawan ng personal na gamit.
Sa kanyang social media post noong Huwebes, Enero 1, ibinahagi ni Charlie na nawawala ang kanyang camera—kalakip ang sarkastikong pagbati ng “Happy New Year.” Ayon sa kanya, labis ang panghihinayang dahil bukod sa mahalaga sa kanya ang naturang camera, marami rin itong laman na mga litrato na may sentimental na halaga.
Hiniling ni Charlie sa kung sinumang nakakuha nito na ibalik man lang ang camera o kahit ang mga larawan na nasa loob nito, lalo na ang mga kuhang alaala niya sa Cagayan de Oro.
Umani naman ng simpatiya mula sa netizens ang kanyang post. Marami ang nanawagan na isauli ang camera at nagpaabot ng mensahe ng pakikiramay at pag-unawa sa pinagdadaanan ng dating PBB housemate.
Hanggang sa oras ng pagsulat, wala pang update si Charlie kung may lead na ba sa nawawala niyang camera o kung ito ay naibalik na. Fans, kapit lang—umaasang magiging “happy ending” pa rin ang simula ng taon para kay Charlie.
