PREDICTION 2026: Pagkamatay ng 3 artista, celebrity couple, at vlogger — ayon kay Rudy Baldwin
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2026-01-02 20:03:41
Naglabas ng mabibigat na prediksyon para sa taong 2026 ang kilalang psychic at fortune teller na si Rudy Baldwin, kung saan kabilang umano ang pagkamatay ng tatlong artista, isang celebrity couple, at isang vlogger.
Ayon kay Rudy, dalawang showbiz personality ang mamamaalam dahil sa aksidente, habang isang vlogger naman ang papatayin umano habang naka-live broadcast sa social media. Sinabi niyang ang suspek ay may matinding galit sa biktima at kusang susuko matapos ang krimen.
Bukod dito, binanggit din ni Rudy ang pagkamatay ng isang celebrity couple na bagong kasal pa lamang. Ayon sa kanyang pahayag, may kinalaman umano sa mental health issues tulad ng anxiety at stress ang trahedyang ito.
Sa kabuuan ng kanyang pangitain para sa 2026, inilarawan ni Rudy ang taon bilang isang “year of fear” o isang “bloody year,” kung saan sabay-sabay umanong mararanasan ang iba’t ibang sakuna at krisis. Kabilang dito ang tatlong pandemya na posibleng tumama sa bansa, kasama ang sinasabing pagbabalik ng Monkeypox, na maaaring magresulta sa muling pagpapatupad ng lockdown sa ilang lugar.
Binanggit din niya ang posibilidad ng dalawang malalakas na bagyo na kasing-tindi umano nina Yolanda at Goni, na maaaring magdulot ng malawakang pinsala at pagkawala ng buhay. Kasabay nito ang sunud-sunod na lindol sa iba’t ibang bahagi ng bansa tulad ng Aklan, Abra, Baguio, Pangasinan, Zamboanga, Marawi, Batanes, at Bicol. Hindi rin niya isinantabi ang posibilidad ng tinatawag na “The Big One.”
Ayon pa kay Rudy, may anim hanggang pitong bulkan ang posibleng pumutok, kabilang ang isang matagal nang inactive na bulkan na bigla na lamang umano magiging aktibo dahil sa pagbabago ng klima.
Binanggit din niya ang isang aksidente sa himpapawid kung saan may eroplanong babagsak sa karagatan at iilan lamang ang posibleng makaligtas. Mayroon din umanong isang young female celebrity na napabilang sa listahan ng pinakamagagandang babae na maaaring tamaan ng sakit mula sa isa sa mga pandemya, na posibleng ikamatay nito.
Sa kabila ng kanyang mga pahayag, iginiit ni Rudy na hindi niya hangad na mangyari ang mga ito at hinikayat ang publiko na magdasal, mag-ingat, at maging handa sa anumang maaaring dumating.
Ang mga nabanggit ay pawang mga prediksyon lamang at walang opisyal na kumpirmasyon mula sa mga awtoridad o kinauukulan.
Larawan: Rudy Baldwin Youtube
