'Home Along Da Riles, Da Reunion' balik-eksena sa 2026?
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2026-01-03 07:05:21
Mukhang matutuloy na nga ang inaabangang pagbabalik ng iconic ’90s sitcom na Home Along Da Riles—sa anyo ng isang reunion movie sa 2026.
Noong December 28, 2025, nagbahagi sa social media si Boy2 Quizon ng isang teaser video na agad nagpa-excite sa mga tagahanga. Sa naturang clip, muling nasilayan ang bahay ng pamilyang Cosme sa tabi ng riles, isang imaheng agad nagpabalik ng alaala sa mahabang kasaysayan ng serye.
Makikita rin sa teaser ang mga litrato ng Cosme family na pinamunuan ni Kevin Cosme, ang karakter na ginampanan ng yumaong Dolphy. Isa pang tumatak na eksena ang paglitaw ni Nova Villa, na gumanap bilang Azon, habang hawak ang tila isang liham—nagbibigay ng mas emosyonal na tono sa preview.
Bago magtapos ang teaser, lumabas ang pamagat na Home Along Da Riles, Da Reunion, kasunod ang pangalan ni Boy2 Quizon bilang direktor. Sinelyuhan ito ng mensaheng “The legacy continues in 2026.”
Unang ipinalabas noong 1992, ang Home Along Da Riles ay naging hari ng primetime television sa loob ng halos 17 taon, dahilan upang maging isa ito sa pinakamatagumpay at pinakaminamahal na sitcom sa kasaysayan ng Philippine TV.
Matatandaang noong Disyembre 2024, una nang nagbigay ng pahapyaw na pahiwatig ang ilang natitirang cast members tungkol sa planong muling buhayin ang Home Along Da Riles—na ngayo’y tila nagkakatotoo na nga.
Para sa maraming Kapamilya, hindi lang ito simpleng comeback kundi isang pagpupugay sa pamana ni Dolphy at sa pamilyang Cosme na naging bahagi ng kanilang paglaki. Sa 2026, handa na bang muling umuwi ang mga batang riles?
