Diskurso PH
Translate the website into your language:

Sexbomb Girls, sasabog sa ‘rAWnd 3’ finale concert sa Pebrero 6

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2026-01-03 20:28:20 Sexbomb Girls, sasabog sa ‘rAWnd 3’ finale concert sa Pebrero 6

Handa na ba ang mga pinalaki ng Sexbomb? Muling yayanig ang entablado ng iconic OPM girl group na Sexbomb Girls sa kanilang pinakaaabangang “The Sexbomb Girls Concert: rAWnd 3 – The Finale” na gaganapin sa Pebrero 6 sa SM Mall of Asia Arena.

Matapos ang dalawang sold-out shows noong Disyembre 2025, mas pinabongga pa ang ikatlong yugto ng kanilang concert series. Ibinahagi mismo ng lider ng grupo na si Rochelle Pangilinan ang anunsiyo sa social media, kasabay ng pangakong mas pasabog na performance.

“rAWnd 1 was a hit. rAWnd 2 was a blast. Saving the best for last. rAWnd 3 — GET, GET, AW The SEXBOMB CONCERT,” saad ni Rochelle.

Isa sa mga inaabangang sorpresa ng finale concert ay ang 360-degree stage setup, kung saan siguradong kahit saang bahagi ng venue ay ramdam ang lapit at enerhiya ng grupo. Ayon kay Rochelle, layunin nitong bigyan ang lahat ng manonood ng center-row experience—mas malapit, mas dama, mas todo ang hataw.

Umani agad ng matinding reaksyon mula sa fans ang anunsiyo, marami ang nagpaabot ng excitement at pag-asang makakuha na ng ticket matapos maubusan sa mga naunang shows. May ilan pang nagbiro na handa na raw ang kanilang thigh-high boots para sa sabayang sayawan.

Matatandaang emosyonal ding nagpasalamat si Rochelle sa mga tagasuporta matapos ang matagumpay na concerts sa Smart Araneta Coliseum at MOA Arena noong Disyembre. Ibinahagi niya na hindi naging madali ang pagbuo ng concert dahil sa kakulangan ng producers, ngunit itinuloy pa rin ito ng grupo bilang pasasalamat sa mga fans na sumuporta sa kanila sa loob ng maraming taon.

“Hindi pera ang hangad namin. Ang gusto lang namin ay makabawi, makapagpasalamat, at mabigyan kayo ng regalong karapat-dapat sa inyo,” ani Rochelle.

Sa paparating na rAWnd 3 – The Finale, inaasahang muling magbabalik ang mga classic hits at signature dance moves na nagpatibok sa puso ng isang henerasyon. Isang gabi ng nostalgia, sayawan, at walang kupas na Sexbomb energy ang tiyak na aasahan ng lahat.