Diskurso PH
Translate the website into your language:

Paalam, MTV! Iconic music channel, nagsara na matapos ang ilang dekada

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2026-01-04 23:20:51 Paalam, MTV! Iconic music channel, nagsara na matapos ang ilang dekada

Isa na namang piraso ng pop culture history ang tuluyang nagwakas ngayong pagsapit ng 2026. Tahimik ngunit kumpirmado na ngang nagsara ang MTV o mas kilala bilang Music Television, ang iconic 24-hour music channel na naging tahanan ng music videos, concerts, at pop culture moments ng maraming henerasyon.

Ayon sa ulat, opisyal na nag-sign off ang MTV noong December 31, 2025. Bagama’t may mga balitang lumabas pa noong Oktubre tungkol sa nalalapit nitong pagsasara, marami pa rin ang nagulat—lalo na ang mga lumaki at humubog ang kabataan sa panonood ng MTV.

Wala na rin ba ang MTV Awards?

Dahil sa pagsasara ng MTV music channels, hindi maiwasang itanong ng fans kung tuluyan na ring mawawala ang MTV Awards. Sa ngayon, wala pang malinaw na pahayag hinggil dito, ngunit malinaw na malaking pagbabago ang pinagdadaanan ng brand sa global scale.

Sa United Kingdom, isinara na rin ang limang MTV stations kabilang ang MTV Music, MTV 80s, MTV 90s, Club MTV, at MTV Live. Ayon pa sa ulat ng Rolling Stone, inaasahan ding susunod sa pagsasara ang mga music channel ng MTV sa Australia, Poland, France, at Brazil bilang bahagi ng restructuring ng parent company nitong Paramount Skydance.

Hindi matatawaran ang naging ambag ng MTV sa Philippine showbiz. Noong dekada ‘90, isa ito sa pinakapinapanood na music channels sa bansa, at dito rin sumikat ang maraming local MTV VJs na kalaunan ay naging major celebrities.

Kabilang sa mga naging bahagi ng MTV Philippines sina KC Montero, Donita Rose, Giselle Toengi, Marc Abaya, Anne Curtis, Kat Alano, Derek Ramsay, Victor Basa, Paolo Bediones, Mariel Rodriguez, Yassi Pressman, Andre Paras, Sam Pinto, at marami pang iba.

Sa MTV unang nasilayan ng mga manonood ang music videos ng mga papasikat at sikat na local at international artists. Noon, inaabangan pa kung kailan lalabas ang paboritong kanta—walang rewind, walang skip, at walang algorithm.

Isa sa mga pangunahing dahilan ng pagsasara ng MTV ay ang malawakang pagbabago sa music at media industry. Sa kasalukuyan, ang music videos ay itinuturing na ring sariling “property” ng mga artista, na direkta nang inilalabas sa YouTube, Instagram, TikTok, at iba pang digital platforms.

Dagdag pa rito, unti-unti na ring nawala ang dating gawi ng panonood ng telebisyon. Mas pinipili na ng karamihan ang streaming platforms, on-demand content, at mobile viewing—isang malaking hamon para sa mga traditional TV channels, lalo na ang mga music-only networks.

Paalam, MTV

Sa kabila ng lahat, mananatili ang MTV bilang isang simbolo ng isang mas simple ngunit mas exciting na panahon—kung kailan ang musika ay sabay-sabay pinapanood, pinapakinggan, at pinagdiriwang.

Maaaring tuluyan nang nagsara ang channel, pero ang impluwensiya at alaala nito sa musika at showbiz ay mananatiling buhay sa puso ng mga nakaranas nito.