Filmmaker at aktor na si Roni Bertubin, pumanaw sa edad na 61
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2026-01-13 21:26:29
Ipinagluluksa ng industriya ng pelikulang Pilipino ang pagpanaw ng beteranong direktor at aktor na si Ronaldo “Roni” Bertubin.
Pumanaw ang direktor at aktor na si Ronaldo “Roni” Bertubin noong Martes, Enero 13, 2026. Siya ay 61 taong gulang.
Kinumpirma ang kanyang pagpanaw ng Film Academy of the Philippines (FAP) sa pamamagitan ng opisyal nitong Facebook page, kung saan nagbigay-pugay ang organisasyon sa naging kontribusyon ni Bertubin sa industriya ng pelikula.
“The Film Academy of the Philippines mourns the passing of filmmaker and a steadfast leader of the community, Director Roni Bertubin,” pahayag ng FAP. “Known for his films Love Birds and Sikil, he was a stalwart of the Directors Guild of the Philippines (DGPI) and will forever be remembered for his calming presence on the set and the joyful light he brought to industry projects. Maraming salamat, Direk!”
Hindi binanggit ng pamilya o ng FAP ang tiyak na sanhi ng kanyang pagkamatay. Gayunman, ayon sa film producer na si Ferdy Lapuz, sumailalim si Bertubin sa chemotherapy habang siya ay nabubuhay pa.
Bukod sa pagiging direktor, naging aktibo rin si Bertubin bilang aktor sa ilang kinikilalang pelikula. Kabilang sa kanyang mga pelikula ang Rollerboys (1995), Crying Ladies (2003), La Visa Loca (2005), Masahista (2005), Bwakaw (2012), at Walwal (2018).
Kasunod ng balita ng kanyang pagpanaw, bumuhos ang mga mensahe ng pakikiramay mula sa kanyang mga kasamahan sa industriya. Nagbigay rin ng tribute si Film Development Council of the Philippines (FDCP) Chairperson Joey Reyes.
“Goodbye, Roni. We shall remember you for your kindness, your generosity, your laughter, your comforting presence,” ani Reyes. “It’s time for you to go home to Our Father and find your place in peace forever. You will be forever in our hearts.”
Ibinahagi rin ni Lapuz ang isa sa mga huling pag-uusap nila ni Bertubin. Ayon sa kanya, personal na ipinaalam ng direktor ang kanyang karamdaman at ang pagsailalim niya sa chemotherapy. Isang makabagbag-damdaming karanasan rin aniya ang nangyari nang tulungan niya itong maiparating ang mensahe sa isang kaibigang aktor na agad namang nagpaabot ng tulong pinansyal, na labis na ikinagalak at ikinaantig ni Bertubin.
Sa pagpanaw ni Roni Bertubin, nawalan ang industriya ng pelikulang Pilipino ng isang direktor, aktor, at lider na kinilala hindi lamang sa kanyang talento kundi pati sa kanyang malasakit at kabutihang-loob sa kapwa.
