Diskurso PH
Translate the website into your language:

Sharon Stone, napamura at sinupalpal ang bastos na young stars sa awards night

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2026-01-14 11:56:24 Sharon Stone, napamura at sinupalpal ang bastos na young stars sa awards night

Hindi pinalampas ng Hollywood veteran na si Sharon Stone ang umano’y kawalan ng respeto ng ilang young stars sa isang prestihiyosong awards night—at wala siyang pakialam kung may masaktan.

Sa ginanap na 9th Astra Film Awards ng Hollywood Creative Alliance noong Enero 9, 2026, sa Sofitel Beverly Hills Hotel sa Los Angeles, tumanggap si Sharon ng Timeless Award. Pero imbes na tahimik at classy na gabi, nauwi ito sa isang di-inaasahang eksena na ngayon ay pinag-uusapan sa social media at entertainment circles.

Bago pa man siya umakyat ng entablado, ikinuwento ni Sharon na may ilang kabataang artista sa mesang kanyang inuupuan ang nagtanong nang may halong yabang:

“Who the f*** is at that chair?”

Hindi pa roon nagtapos ang kabastusan. May lumapit pa raw sa kanya at diretsahang nagtanong kung sino siya at bakit siya naroon—na para bang wala siyang karapatang umupo sa isang mesa sa awards night.

Sa halip na manahimik o iwasan ang isyu, isinapubliko ni Sharon ang insidente sa kanyang acceptance speech—walang paligoy, walang pa-victim.

Pag-akyat niya sa entablado, sinimulan niya ang kanyang mensahe sa linyang:

“Now you know.”

At para tuluyang maiparating ang kanyang punto, inulit pa niya ang iconic na linya mula sa isa sa kanyang pelikula:

“F**k you.”

Agad itong sinalubong ng malakas na palakpakan mula sa audience—tila pagsang-ayon sa paninindigan ng beteranang aktres laban sa mga artistang nalilimutan ang respeto kasabay ng kasikatan.

Pero matapos ang taray moment, biglang nag-shift ang tono ni Sharon—mula sa pagiging palaban, naging diretsahang leksyon para sa mga bagong mukha sa industriya.

Ayon kay Sharon, hindi sukatan ng pagiging “timeless” ang dami ng followers, likes, o viral posts. Ang tunay na sukatan umano nito ay kung paano ka makitungo sa kapwa, lalo na sa mga taong tahimik na nagtatrabaho sa likod ng kamera—mga crew, staff, at utility workers sa set.

Binigyang-diin din niya na kung mas malaki ang kinikita ng isang artista, mas malaki rin ang obligasyon nitong alagaan ang mga taong tumutulong sa kanya araw-araw.

Aniya, hindi dapat nakikipag-agawan sa pagkain ng crew ang mga artista, kundi sila pa nga ang dapat magbigay ng mas maayos na serbisyo at trato sa kanila.

Tinamaan din ang mga artistang mabilis makalimot sa pinanggalingan. Paalala ni Sharon, ang mga dating alamat ng Hollywood ay nagsimula ring nangangarap—hindi naka-$30,000 gown, hindi VIP, at hindi kilala ng lahat.

Sa huling bahagi ng kanyang talumpati, wala nang paligoy si Sharon:

“Do something decent. Be decent. That is what it means to be timeless.”

Binanggit pa niya si Taylor Swift bilang halimbawa ng isang superstar na nananatiling disente, mapagkumbaba, at may malasakit—kaya patuloy na minamahal ng publiko.

Dahil dito, umani ng papuri at diskusyon ang kanyang speech online. Marami ang naka-relate, lalo na sa mga kuwentong may kinalaman sa beteranong artista na nababastos ng mas batang henerasyon—isang isyung hindi lang sa Hollywood nangyayari.

Sa panahong mas mahalaga na ang pagiging viral kaysa may respeto, may lugar pa ba sa showbiz ang mga beterano—o tuluyan na ba silang tinatabunan ng mga “sikat pero walang modo”?