Diskurso PH
Translate the website into your language:

Ano ang Nangyari? Claudine Barretto, kinidnap umano ang kanyang mga anak?

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2026-01-25 23:37:37 Ano ang Nangyari? Claudine Barretto, kinidnap umano ang kanyang mga anak?

Umiinit ngayon ang usapan sa showbiz world matapos ang isang emosyonal na Facebook Live ng aktres na si Claudine Barretto, kung saan ibinahagi niya ang matinding pag-aalala tungkol sa umano’y pagkuha sa kanyang mga anak.

Sa naturang live, makikitang balisa at halatang apektado ang aktres habang diretsahan niyang tinawag ang isang babaeng pinangalanan niya at binigyan ito ng 15 minutong ultimatum para maibalik ang kanyang mga anak sa kanilang bahay. Ayon kay Claudine, kapag hindi raw ito nasunod ay ituturing na niyang seryosong krimen ang nangyari at magsasagawa siya ng legal na aksyon.

Paulit-ulit niyang iginiit na hindi biro ang sitwasyon at sinabi niyang may mga dokumento at ebidensiya umano siyang hawak. Binanggit din niya na nakikipag-ugnayan na raw siya sa mga awtoridad. Sa gitna ng live, makikita ang kanyang emosyon — may halong takot, galit, at matinding pagkadismaya.

Bukod sa isyu ng mga bata, nagsalita rin si Claudine tungkol sa umano’y mga taong naninira sa kanya at gumagamit daw sa kanyang pangalan at personal na sitwasyon. Dito lalong naging mabigat ang kanyang mga pahayag, lalo na nang iparamdam niyang pakiramdam niya ay siya ay pinagtutulungan.

Dahil dito, bumaha ng reaksyon online. May mga netizens na agad nagpahayag ng suporta at panalangin para sa kaligtasan ng kanyang pamilya. 

Sa ngayon, panig pa lamang ni Claudine ang lumalabas sa publiko, at wala pang opisyal na pahayag mula sa mga taong nabanggit o mula sa mga awtoridad na makapagpapatibay sa buong detalye ng insidente.

Habang naghihintay ng linaw, isang bagay ang sigurado — bilang isang ina, dama ng marami ang bigat ng emosyon na ipinakita ni Claudine. Pero sa gitna ng matitinding paratang, mas mahalaga pa rin ang kumpletong impormasyon at maayos na proseso upang malaman ang katotohanan.

Ano nga ba talaga ang buong kuwento sa likod ng insidenteng ito?
Nasaan ang mga bata sa oras ng kanyang live?
May hindi lang ba pagkakaunawaan sa pagitan ng mga taong malapit sa kanya?
Ano ang magiging paliwanag ng mga taong nadawit sa kanyang mga pahayag?

Screengrab: Claudine Baretto Fb Live