Ellen Adarna, may cryptic post tungkol sa 'mabait lang sa camera'
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2026-01-30 16:40:49
Nagbahagi ng makahulugang mensahe ang aktres na si Ellen Adarna sa kanyang Instagram Story kamakailan, na ikinaintriga ng netizens dahil tila may pinatatamaan itong isang personalidad na iba umano ang ugali sa likod ng kamera.
Sa naturang post, sinabi ni Ellen:
“Natatawa ang group chat at nasabi na lang talaga na sana talaga ganyan siya sa totoong buhay. Kasi ang buti-buting tao sa camera. Wish namin sana ganyan ka talaga.”
Sinundan pa niya ito ng panibagong mensahe:
“Wish namin sana maging ganyan ka talaga kung ano ka sa camera. Promise.”
May background music pang “God Is” ni Kanye West ang kanyang Instagram Story, na lalo pang nagbigay pansin sa kanyang pahayag. Ngunit sino nga ba ang tinutukoy ng aktres? Isang personalidad ba sa showbiz, o isang taong mula sa kanyang personal na buhay?
Hindi pinangalanan ni Ellen kung sino ang kanyang pinatutungkulan, kaya naman lalong umigting ang espekulasyon online.
Napansin ng ilang netizens na lumabas ang naturang post ilang araw matapos ang panayam ng kanyang estranged husband na si Derek Ramsay sa showbiz vlogger na si Morly Alinio. Nagkataon lamang ba ang timing, o may kaugnayan ito sa mga pahayag ng aktor?
Sa naturang interview, ibinahagi ni Derek na siya ay “at peace” na sa kasalukuyan at mas pinipili na lamang ituon ang kanyang panahon sa sarili at sa kanyang pamilya. Nilinaw din ng aktor na hindi na siya magbibigay ng komento kaugnay sa mga naunang kontrobersiya.
“Out of respect for everyone that’s involved in that situation, no comment na ako,” ani Derek.
Kung wala na raw siyang nais balikan mula sa nakaraan, bakit tila may pahaging na naman na lumilitaw mula sa kabilang kampo? May mga isyung hindi pa tuluyang natatapos?
Inamin din ni Derek na dumaan siya sa mabigat na yugto ng kanyang buhay dahil sa mga isyu noon, ngunit nakatulong umano ang kanyang support system at pananampalataya upang makabangon.
“I was really lost… during times like that, you could easily make wrong decisions,” pagbabahagi niya.
Dagdag pa niya, mas pinili na raw niyang ipaubaya sa Diyos ang kanyang mga pinagdadaanan at huwag nang balikan ang nakaraan. Ngunit posible bang may mga hindi pa rin lubusang naaayos sa pagitan ng mga taong sangkot?
Matatandaang noong nakaraang taon, isiniwalat ni Ellen ang umano’y pagkakaroon ng isang group chat na kinabibilangan ng ilan sa mga dating karelasyon ni Derek. Ayon sa aktres, doon nila napag-uusapan ang kanilang mga naging karanasan sa relasyon.
May kinalaman kaya ang nabanggit na “group chat” sa kanyang pinakahuling pahayag? May bagong napag-usapan ba na nag-udyok sa kanya upang magsalita muli?
Nagkataon lang ba ang lahat… o may tinatamaan talaga? Kung tapos na ang isyu, bakit may pahaging pa? At kung may gustong linawin, sino ang unang magsasalita nang diretsahan? Kayo, ano sa tingin n’yo?
