Aira Bermudez, bumagsak sa gitna ng SexBomb concert pero tuloy ang laban: 'Hindi ako pinalaki para bumawi, pinalaki ako para lumaban!'
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2026-02-08 18:59:26
Napasigaw ang buong venue nang biglang bumagsak si SexBomb Girls member Aira Bermudez-Inovero sa gitna ng kanyang high-energy solo performance sa rAWnd 5 reunion concert ng grupo noong Pebrero 7.
Sa ikalawang araw ng tatlong gabing concert, todo-hataw si Aira sa kanyang aerial dance routine — buhat, ikot, flip — na talagang nagpataas ng adrenaline ng audience. Pero sa isang iglap, maling bagsak ang nangyari: napaharap si Aira at tumama ang katawan sa mismong stage floor.
Sandaling nawala ang sigawan at napalitan ng kaba ang saya ng concert-goers. Marami ang napa-“Ay!” at napahawak sa dibdib, lalo na nang makita nilang itinuloy pa rin ni Aira ang performance kahit halatang nasaktan.
Matapos ang show, agad umani ng reaksiyon sa social media ang insidente. Fans ang halos sabay-sabay na nakiusap: “Magpahinga ka muna,” “Unahin ang health,” at “Huwag mo nang ulitin ang delikadong stunts.”
Pero kinabukasan, diretsahang sinagot ni Aira ang pangamba ng lahat.
Sa kanyang social media post noong Pebrero 8, nilinaw niyang okay siya at handang bumalik sa stage para sa final night ng concert.
“Keep moving forward. Bumagsak man ako kagabi at naaksidente, pero babangon at lalaban tayo ngayon,” ani Aira.
Dagdag pa niya, wala umanong seryosong injury at tuloy ang laban:
“I’m okay, nothing serious happened and I’m ready. The show must go on!”
Pero ang pinakumatunog na linya na talaga namang nagpaiyak at nagpatindig-balahibo sa fans:
“Hindi ako pinalaki ng SexBomb para bumawi— pinalaki ako para LUMABAN.”
Kasabay ng mensahe, ibinahagi rin ni Aira ang mga larawan mula sa kanyang performance — kabilang ang mga eksenang nakalutang siya sa ere habang buhat ng backup dancers, patunay ng matinding physical demand ng kanyang routine.
Umani ito ng buong-buong suporta mula sa fans at kapwa SexBomb Girls. May mga pumuri sa kanyang tapang, habang ang iba naman ay nagpaalala na mahalaga pa rin ang kaligtasan kaysa sa bonggang performance.
“Grabe hiyaw namin kagabi nung bumagsak ka, salamat naman walang serious injury. Dancing warrior ka talaga,” komento ng isang fan.
“Palaban! Tunay na pinalaki ng SexBomb,” dagdag pa ng isa.
Nagpadala rin ng mensahe ng suporta si Sugar Mercado, kapwa SexBomb Girls member, na nagsabing:
“Accidents always happen. Praying for your speedy recovery… Di ka pababayaan ni Lord.”
Ang rAWnd 5 concert ay bahagi ng reunion series ng SexBomb Girls, na kamakailan lang ay nagpaiyak din ng fans matapos maging kumpleto ang grupo sa rAWnd 4 dahil sa surprise appearance ni Izzy Trazona.
Hanggang saan ang sakripisyo para sa isang perfect performance?
Dapat bang bawasan ang risky stunts kahit reunion concert pa ito?
Isa lang ang sigurado — palaban si Aira, at hindi basta-basta pinapatumba ng isang pagkadapa ang isang tunay na SexBomb.
