‘We needed space to grow’: Gaming power couple Kyedae at TenZ, kumpirmadong hiwalay—ano ang totoong nangyari?
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2026-02-08 22:25:54
Isa sa mga pinaka-minahal at sinubaybayang love teams sa gaming at e-sports world ang tila tuluyan nang nag-level up… pero magkahiwalay na landas.
Kinumpirma nina Kyedae at TenZ, mga kilalang personalidad sa VALORANT streaming community, ang kanilang paghihiwalay nitong Linggo, Pebrero 8—matapos ang anim na taon ng relasyon na sinimulan pa nila noong mga teenager pa lamang sila.
Pero kung maraming umaasang may “pasabog” o kontrobersiya, mukhang kabaligtaran ang kuwento.
Matagal na raw silang hiwalay.
Iyan ang diretsahang inamin ni Kyedae sa kaniyang Instagram story—isang rebelasyon na agad nagpaangat ng kilay ng fans.
“We’ve actually been broken up for quite some time now,” saad ni Kyedae.
So kung matagal na pala, bakit ngayon lang nila ito inamin? At gaano na nga ba katagal ang “quite some time” na tinutukoy niya?
Ayon sa Japanese-Canadian streamer, dumating sila sa puntong napagtanto nilang hindi na sila sabay na lumalago bilang indibidwal—isang realization na hindi raw madaling tanggapin, lalo na para sa isang relasyong halos buong adult life na nila ang sakop.
“Toward the end of our relationship, we came to a realization that wasn’t easy to accept: we had stopped growing as individuals,” paliwanag niya.
Sa anim na taong magkasama, halos lahat daw ay sabay nilang ginawa—mula personal hanggang career. Ngunit sa sobrang lapit, unti-unti raw nawala ang espasyo para makilala pa nila ang sarili nilang mga pangarap at direksiyon.
Tanong ng marami: posible bang sa sobrang pagmamahal, makalimutan mo na kung sino ka bilang isang indibidwal?
Mas lalong naging makabuluhan ang pahayag ni Kyedae nang aminin niyang ilang linggo pa lang matapos silang magkakilala ay nagsama na agad sila sa iisang bahay—isang setup na umabot mula edad 17 hanggang 24.
“Over time, it became clear that we needed space to grow into our own people separately,” aniya.
Dahil dito, hindi maiwasang itanong ng fans:
Kung bata pa kayo nagsimula at sabay lumaki, paano mo malalaman kung kayo pa rin ang para sa isa’t isa?
Nilinaw rin ni Kyedae ang isang bagay na siguradong ikagagaan ng loob—walang third party, walang pagtataksil, at walang matinding away na naging mitsa ng hiwalayan.
“We know the internet often looks for ‘the tea,’ but the truth is simple—we grew apart,” dagdag pa niya.
Sa panahong halos lahat ng breakup ay hinahanapan ng “resibo,” kaya bang tanggapin ng publiko ang isang hiwalayang tahimik, mahinahon, at walang kontrabida?
Sa kabila ng lahat, tiniyak ni Kyedae na nananatili pa rin ang respeto at malasakit nila sa isa’t isa.
“We still care deeply about each other and genuinely want the best for one another,” saad niya, kasabay ng pasasalamat sa mga alaala at panahong magkasama nila ni TenZ.
Sa huli, humiling din ang streamer ng privacy—isang pakiusap na tila mahirap ibigay sa isang relasyong matagal nang nasa mata ng publiko.
Sina Kyedae at TenZ ay itinuturing na isa sa mga pinaka-iconic na partnerships sa VALORANT community, hindi lamang bilang magkasintahan kundi bilang dalawang indibidwal na sabay na umangat sa mundo ng e-sports.
Ngayon, habang magkahiwalay na nilang tinatahak ang susunod na kabanata ng kanilang buhay, isang tanong ang nananatili sa isip ng fans:
Minsan ba, ang tunay na pagmamahal ay ang pagpili munang maghiwalay para tuluyang maghilom at lumago?
