MUPH candidate, biglang tinanggal sa Miss Universe Philippines 2026—ano kaya ang tunay na dahilan?
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2026-03-30 15:19:59
Usap-usapan ngayon sa pageant world matapos kumpirmahin ng Miss Universe Philippines Organization na may isang kandidata na hindi na papayagang magpatuloy sa Miss Universe Philippines 2026 competition.
Sa inilabas na opisyal na pahayag ng organisasyon, sinabi nilang napilitan silang gumawa ng desisyon matapos suriin ang ilang “concern” na nakarating sa kanila tungkol sa nasabing delegate. Pero ang tanong ng marami: ano nga ba talaga ang nangyari sa likod ng eksena?
Ayon sa MUPH, binigyan muna nila ng verbal at written guidance ang kandidata para matulungan itong maitama ang sitwasyon. Gayunman, sinabi ng organisasyon na may mga behavior pa ring nagpatuloy na hindi na umano naaayon sa kanilang standards of respect, professionalism, at positive environment.
Dahil dito, napagdesisyunan na hindi na siya papayagang magpatuloy sa kompetisyon. Pero hanggang ngayon, hindi pa rin tinutukoy kung sino ang kandidatong tinanggal at kung ano mismo ang isyung naging dahilan ng kanyang pagkaka-disqualify. Kaya naman lalo pang umiinit ang spekulasyon online: attitude issue ba ito? may nangyaring conflict sa ibang kandidata? o may nilabag na rule ng pageant?
Matatandaang noong nakaraang buwan ay ipinakilala ng MUPH ang 51 kandidata na maglalaban-laban para sa korona. Ang grand coronation night ng Miss Universe Philippines 2026 ay nakatakdang ganapin sa Mall of Asia Arena sa Mayo 1.
Ang mananalo ay kokoronahan ng reigning queen na si Ahtisa Manalo, na siyang Miss Universe Philippines 2025 titleholder.
Ang susunod na reyna naman ang magiging kinatawan ng Pilipinas sa Miss Universe 2026 na gaganapin sa Coliseo de Puerto Rico José Miguel Agrelot sa Nobyembre.
Habang papalapit ang coronation night, hindi maiwasang magtanong ang mga pageant fans: may lalabas pa kayang detalye kung sino ang kandidatong tinanggal? At ano ang totoong kuwento sa likod ng kontrobersiyang ito?
