Diskurso PH
Translate the website into your language:

Sisikat kaya? Mga bagong artista ni Mr. M, Star Worx teaser nagpasabog ng intriga

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2026-04-09 17:17:42 Sisikat kaya? Mga bagong artista ni Mr. M, Star Worx teaser nagpasabog ng intriga

Mukhang may bagong pasabog ang TV5 para sa entertainment scene! Kamakailan lang ay naglabas ang network ng isang maikling teaser video tungkol sa Star Worx, ang rebranded artist center na pamumunuan ng kilalang star maker na si Johnny Manahan o mas kilala ng marami bilang Mr. M.

Sa 14-second teaser na inilabas ngayong Araw ng Kagitingan (Abril 9), isa-isang lumabas ang mga letra ng “STAR WORX,” bago nagtapos sa petsang 5.5.2026. Ibig bang sabihin nito ay sa Mayo 5 na ang official launch? O teaser pa lang ito sa mas malaking announcement na paparating? Marami tuloy ang napapaisip—ano nga ba ang nakahandang sorpresa ng Singko?

Matatandaang nang lumipat sa Kapatid network si Mr. M, inanunsiyo agad na siya na ang hahawak sa mga talents ng MQuest Artists Agency. Pero noon pa man ay may pahiwatig na siyang gusto niyang i-rebrand ang talent arm ng network. At ngayon nga, tila natupad na ang plano—Star Worx ang bagong pangalan na gusto niyang itatak.

Ayon kay Mr. M, simple lang ang ibig sabihin ng pangalang ito: trabaho nang trabaho para maging bituin. Pero ang tanong ng mga Marites sa showbiz—uubra kaya sa TV5 ang magic na ginawa niya noon sa Kapamilya stars?

Hindi naman kasi maikakaila ang track record ng beteranong direktor. Sa ilalim ng Star Magic ng ABS-CBN, napakarami niyang napasikat na artista. Kabilang dito sina Piolo Pascual at Claudine Barretto, na hanggang ngayon ay malalaking pangalan pa rin sa industriya.

Kaya naman marami ang nag-aabang—sino naman kaya ang susunod na batch ng artists na bibigyan niya ng “Mr. M touch”?

Nang mawala ang prangkisa ng ABS-CBN, napunta rin si Mr. M sa GMA Network kung saan tumulong siya sa rebranding ng talent arm na naging Sparkle GMA Artist Center. Ngayon, panibagong chapter na naman ang kanyang bubuksan sa TV5. Ibig bang sabihin nito ay mas lalakas na rin ang star power ng Kapatid network?

Ayon mismo kay Mr. M, plano niyang gamitin sa Star Worx ang lahat ng natutunan niyang karanasan sa loob ng maraming taon sa industriya. Layunin daw niyang bawasan ang mga pagkakamali at gawing mas competitive ang talent management ng network. Pero sapat kaya iyon para makipagsabayan sa mga established artist centers?

Isa pa sa kinagigiliwan ng star maker ay ang pagtrabaho kasama ang mga bagong artista. Para sa kanya, ang energy ng kabataan ang nagbibigay sa kanya ng inspirasyon. Kaya naman curious ang marami—may bagong loveteams kaya? May next big leading man o leading lady na ba siyang hinahanap ngayon?

Samantala, habang hinihintay ang opisyal na launch ng Star Worx, may paparating na rin na dalawang teleserye ang TV5 na magpa-pilot sa Abril 27. Una na ang “A Secret in Prague” na pagbibidahan nina Enrique Gil at Andrea Brillantes.

Pero hindi rin nagpahuli ang isa pang proyekto na “My Bespren Emman” na tampok naman si JM de Guzman. Sa trailer pa lang, ramdam na raw ang religious undertones ng kuwento. May ilan tuloy na nakapansin—may pagkakahawig kaya ito sa vibe ng dating Kapamilya hit na May Bukas Pa?

Habang dumarami ang mga bagong proyekto ng TV5, mas lalo tuloy umiinit ang tanong sa industriya:

Ito na ba ang simula ng mas agresibong pagpasok ng Singko sa star-building game? At kapag tuluyang inilunsad ang Star Worx—sino kaya ang magiging unang breakout star ni Mr. M sa bagong tahanan niya?