Proteksyon at Suporta Para sa mga OFWs at Kanilang Pamilya, Tiniyak ni PBBM
Systems Administrator Ipinost noong 2024-12-17 19:31:56
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kasama sina Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo J. Cacdac at OWWA Administrator Arnaldo A. Ignacio, ginanap ang “Pamaskong Handog Para sa Pamilyang OFW” sa Malacañang Palace nitong Martes, 17 Disyembre 2024. Dito kinilala ni PBBM ang napakahalagang kontribusyon ng mga OFW sa ekonomiya ng bansa at ang kanilang sakripisyo upang mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang kanilang mga pamilya.
“Upang masiguro na protektado at ligtas na naninirahan ang ating mga kapwa Pilipino sa ibayong dagat, mas pinapaigting din namin ang kooperasyon at pagkakaroon ng mabuting relasyon sa iba’t ibang mga bansa,” ani Marcos.
Binigyang-diin ng Pangulo na ipagpapatuloy ng kanyang administrasyon ang pagpapatupad ng mga programa na aalalay sa mga OFW at kanilang mga pamilya. Kabilang dito ang mga scholarship grants para sa kanilang mga anak at livelihood assistance para sa mga OFW na nagbabalik sa bansa.
Masayang ibinalita rin ng Pangulo ang pagbubukas ng Bagong Pilipinas Cancer Care Center sa OFW Hospital sa San Fernando, Pampanga, na nagbibigay ng espesyal na serbisyong pangkalusugan sa mga OFW. Pati na ang binuksan na OFW lounge sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 upang maging komportable ang kanilang paglalakbay.
“Narito kami upang isulong ang inyong mga karapatan at tugunan ang inyong mga pangangailangan. Narito ang ating Department of Migrant Workers, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), kasama ang iba’t ibang sangay ng ating pamahalaan, konsulada at embahada upang siguruhin ang kapakanan ng ating mga OFW, kasama na ang kanilang mga pamilya,” ani ni Marcos.
