PNP Chief Marbil Nangako ng Makabagong at Walang Kinikilingang Pulisya sa 2025
Systems Administrator Ipinost noong 2025-01-08 20:55:30
Sa pagsalubong ng Bagong Taon, muling pinagtibay ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Rommel Francisco D. Marbil ang layunin ng PNP na maging isang makabago, propesyonal, at apolitikal na organisasyong nakatuon sa pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan, at pagsunod sa Konstitusyon.
Sa kanyang New Year message, binigyang-diin ni Gen. Marbil ang kahalagahan ng kapayapaan at kaayusan bilang pundasyon ng isang maunlad na komunidad. Tiniyak din niya sa bawat Pilipino na ang PNP ay nananatiling matatag sa tungkulin nitong protektahan ang buhay, siguruhin ang mga ari-arian, at pairalin ang batas
Itinampok niya ang mga inisyatibong nakatuon sa teknolohiya tulad ng body-worn cameras, real-time crime mapping, at pinalakas na cybercrime prevention units. Dahil naniniwala si Gen. Marbil na sa modernong panahon, hindi lamang kasangkapan ang teknolohiya kundi isang mahalagang katuwang sa pagpapatupad ng batas.
Bukod dito, binigyang-diin din niya ang pagiging propesyonal at walang kinikilingan ng PNP. ”Ang PNP ay isang haligi ng demokrasya na sumusunod sa katarungan, patas na paglilingkod, at ang kapakanan ng mamamayan ang inuuna, malaya mula sa anumang impluwensiyang politikal,” wika ni Marbil.
Nanawagan din siya ng mas malakas na ugnayan sa pagitan ng pulisya at mga komunidad. "Ang isang makabagong pulisya ay nagtatagumpay sa pakikipagtulungan sa publiko. Sama-sama, makakalikha tayo ng mas ligtas na mga pamayanan," aniya.
Binigyang-diin ni Gen. Marbil ang pangako ng PNP sa transparency, accountability, at propesyonalismo. “Pasulong tayo sa Bagong Taon na may pag-asa at determinasyon. Ang PNP ay narito upang maglingkod, magprotekta, at magpatuloy sa modernisasyon para sa kapakinabangan ng bawat Pilipino,” pagtatapos niya.
Layunin ng PNP na maging maaasahan at makabagong institusyon na magpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa buong bansa. Ang kanilang mga inisyatibo ay patunay ng dedikasyon sa isang ligtas at maunlad na Pilipinas.
