Diskurso PH
Translate the website into your language:

DBM: Sahod ng Empleyado ng Gobyerno, Tatataas ngayong Enero

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-01-23 12:06:36 DBM: Sahod ng Empleyado ng Gobyerno, Tatataas ngayong Enero

Tatanggap na ng ikalawang tranche ng kanilang umento sa sahod ang mga civilian government workers ngayong Enero. Ito ay matapos lagdaan ni Budget Secretary Amenah Pangandaman ang circular na naglalaman ng mga alituntunin para sa salary adjustment.

Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. noong Agosto 2024 ang Executive Order (EO) No. 64, s. 2024, na nagtatakda ng updated Salary Schedule para sa mga civilian personnel.

"Sa pagpapatuloy po ng pangako ng ating Pangulo, ipatutupad po natin ngayong January 2025 ang pangalawang bahagi ng salary increase para sa ating mga kawani ng gubyerno," pahayag ni Budget Secretary Amenah Pangandaman sa isang press release.

"We hope that this second tranche will provide much-needed financial relief and allow our government workers to better support their families, invest in their futures, and enhance their overall quality of life," dagdag niya.

Kasama sa salary increase ang lahat ng civilian government personnel mula sa executive, legislative, at judicial branches; mga empleyado ng constitutional commissions, state universities and colleges, at GOCCs na hindi saklaw ng RA No. 10149 at EO No. 150. Saklaw din nito ang mga manggagawa, anuman ang kanilang status—regular, casual, contractual, appointive, elective, full-time, o part-time.

Hindi kabilang sa increase na ito ang military at uniformed personnel, mga ahensya ng gobyerno na exempted sa RA No. 6758, GOCCs na nasa ilalim ng RA No. 10149 at EO No. 150, at mga trabahong pinondohan mula sa non-personnel services appropriations o budget.

Ayon sa DBM, ang pondo para sa salary adjustment ng civilian government personnel sa Fiscal Year 2025 ay manggagaling sa Miscellaneous Personnel Benefits Fund at iba pang available appropriations sa ilalim ng FY 2025 General Appropriations Act. Ang paggamit nito ay kailangang sumunod sa mga alituntunin ng budgeting, accounting, at auditing.

Larawan mula sa Philstar.com.