Diskurso PH
Translate the website into your language:

PNP: Walang ebidensya ng pagdukot ng mga bata gamit ang puting van

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-02-20 18:08:51 PNP: Walang ebidensya ng pagdukot ng mga bata gamit ang puting van

Pinabulaanan ng Philippine National Police (PNP) ang kumakalat na balita tungkol sa isang puting van na umano’y sangkot sa pagdukot ng mga bata, na tinawag nilang walang basehan at bahagi ng matagal nang alamat.

Kalat sa social media ang mga haka-hakang may mga taong gumagamit ng puting van upang dumukot ng mga bata para sa organ harvesting.

Sa isang press briefing sa Camp Crame, nilinaw ni PNP Public Information Office Chief Col. Randulf Tuaño na walang katotohanan ang mga ulat. "Unang-una po sa lahat, hindi po namin alam kung saan nanggagaling ang report na ‘yan tungkol sa may white van na nangunguha ng mga bata para ibenta ang kidney," ani Tuaño.

Bagama’t walang ebidensya, tiniyak ng PNP na hindi nila binabalewala ang mga balita. Sinabi ni Tuaño na patuloy na magbabantay ang pulisya at paiigtingin ang seguridad upang maiwasan ang anumang insidente.

"Hindi po tayo nagpapakampante. Tuloy-tuloy po ang ating pagmamatyag at pagpapaigting ng police visibility para maiwasan at hindi tayo malusutan ng mga ganitong insidente," dagdag niya.

Ipinunto rin ng PNP na bumaba ang kaso ng kidnapping sa bansa, na may apat na insidente lamang noong Enero 2025, kumpara sa anim sa parehong panahon noong nakaraang taon. Pinapatibay ng datos na ito ang kanilang paninindigan na walang katotohanan ang mga balitang may puting van na nangunguha ng bata.

Nauna nang pinasinungalingan ni PNP spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac ang mga ulat ng pagdukot gamit ang puting van. Batay sa imbestigasyon, lumabas na pawang mga gawa-gawang kwento lamang ang mga ito.

"Ayon sa resulta ng Cyber Patrolling at Open Source Investigation ng PNP-ACG, walang naitalang kaso ng pagdukot gamit ang isang white van, at wala ring ulat ng serye ng abductions sa mga himpilan ng pulisya at news networks," paliwanag ni Banac.

Nagbabala ang PNP sa publiko laban sa pagpapakalat ng pekeng balita, dahil maaari itong magdulot ng hindi kinakailangang takot at pagkabahala. Pinayuhan din nila ang mga mamamayan na suriin muna ang pagiging totoo ng impormasyon bago ito ibahagi sa social media.

"Hinihikayat namin ang mga nagpapakalat ng 'fake news' na tigilan ang pagpapakalat ng maling impormasyon tungkol sa mga umano’y kaso ng pagdukot gamit ang isang puting van," dagdag ni Banac.