₱900M halaga ng smuggled na sasakyan, nakumpiska ng Bureau of Customs
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-02-21 13:22:37
Sa isang malaking pagsalakay kontra smuggling, nasamsam ng Bureau of Customs (BOC) ang tinatayang ₱900 milyong halaga ng mga luxury car mula sa isang bodega sa Taguig City.
Isinagawa ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ang operasyon, kung saan nadiskubre ang 44 mamahaling sasakyan, kabilang ang Ferrari, Porsche, Maserati, at Rolls Royce.
Binigyang-diin ni Customs Commissioner Bien Rubio ang halaga ng operasyong ito, aniya, "Laging handa ang intelligence unit ng BOC laban sa smuggling, ngunit dapat kong kilalanin ang serye ng mga operasyong ito na nakahuli na ng bilyon-bilyong pisong halaga ng smuggled na luxury cars na pinasok ng mga tiwaling indibidwal, organisasyon, at underground businesses sa ating bansa."
Naganap ang raid sa isang car shop sa Levi Mariano Avenue, Barangay Ususan, na siyang ikatlong operasyon ng BOC sa Metro Manila, matapos ang naunang mga pagsalakay sa Parañaque, Pasay, at Makati.
Ibinahagi ni CIIS Director Verne Enciso ang listahan ng mga nasamsam na sasakyan, kabilang ang dalawang Ferrari 488, dalawang Mercedes Benz C Class, isang McLaren 720S, Rolls Royce Cullinan, Maserati Levante, Lamborghini Huracan, at BMW M3, bukod sa iba pa.
Ayon kay Enciso, "May halo-halong klase ng luxury cars dito—may sobrang high-end gaya ng McLaren, pero may mid-tier cars din. Malinaw na may merkado para sa mga ito, kaya may mga negosyanteng nakakita ng oportunidad para pagkakitaan ang interes sa mga ganitong sasakyan."
Binigyan ng BOC ang mga may-ari, umuupa, nagpapaupa, nakatira, kinatawan, o sinumang may pananagutan sa warehouse ng 15 araw mula sa pagtanggap ng Letters of Authority (LOAs) upang magsumite ng kaukulang dokumento na magpapatunay na tama ang binayarang buwis at taripa.
Kung mabibigong magpakita ng tamang papeles, maaaring maharap sa kaso sa ilalim ng Sections 1400 at 1401 kaugnay ng Section 1113 ng Republic Act 10863, o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Pinatitibay ng operasyong ito ang pagtutok ng BOC laban sa smuggling, upang matiyak na sumusunod sa batas ang lahat ng inaangkat na produkto sa Pilipinas.
Ang pagkakasamsam sa mga luxury cars na ito ay isang dagok sa iligal na kalakalan at nagsisilbing babala sa mga sangkot sa smuggling operations.
Larawan: Bureau of Customs Facebook
