Diskurso PH
Translate the website into your language:

Tulfo, nanawagan sa DMW at SOLAS na gawing mandatory ang CCTV sa mga barko

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-03-07 08:49:14 Tulfo, nanawagan sa DMW at SOLAS na gawing mandatory ang CCTV sa mga barko

Manila, Philippines – Nanawagan si Senador Raffy Tulfo na lagyan ng closed-circuit television (CCTV) cameras ang lahat ng barko upang matugunan ang isyu ng mga nawawalang seafarers.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Migrant Workers nitong Huwebes, hinimok ni Tulfo ang Department of Migrant Workers (DMW) na ipanukala ito sa pamamagitan ng International Convention for the Safety of Life at Sea (SOLAS).

"Gusto ko through the SOLAS convention, i-require lahat ng barko sa buong mundo — yung may mga seafarers, lagyan natin ng CCTV. Kasi kung meron, edi at least itong [mga] insidenteng yan ay malalaman natin kung may nagtulak ba o lumundag nang sarili lang at napaikli ang proseso," aniya.

Suportado ni DMW Secretary Hans Cacdac ang panukala at sinabi niyang kasalukuyang gumagawa ang ahensya ng mas detalyadong panuntunan kaugnay ng isyung ito.

"We are braced to issue an elaborate set of rules. Dahil nga po sa Magna Carta at may [Implementing Rules and Regulations] and from the IRR, the DMW will issue a more focused set of rules particularly on disappearance of seafarers," paliwanag ni Cacdac.

Ibinahagi sa pagdinig ang ilang kaso ng Filipino seafarers na nawala habang nasa barko:

  • Ralph Bobiles – Nawawala mula Disyembre 5, 2024. Sampung araw matapos ang insidente, lumapit ang kanyang pamilya sa DMW upang humingi ng tulong sa paghahanap sa kanya o sa kanyang katawan. Ayon kay Cacdac, hinihintay pa rin nila ang resulta ng imbestigasyon mula sa mga awtoridad sa Panama.
  • Jeric Bueno – Nawawala mula Pebrero 22, 2025, habang nasa barkong MSC Poesia Cruise Ship malapit sa Brazil. Natagpuan na ang kanyang katawan, at hinihingi ng DMW ang agarang autopsy.
  • Jimbo Cadungog – Nawawala mula Agosto 31, 2024, habang ang barko ay papalapit sa Port of Bari, Italy. Nananatiling nakikipag-ugnayan ang DMW sa pamilya ni Cadungog at sa kanyang manning agency upang makakuha ng ulat mula sa flag state at may-ari ng barko.

Bukod sa pandaigdigang panukala, hinimok din ni Tulfo ang Maritime Industry Authority (MARINA) na obligahin ang mga lokal na barko na maglagay ng CCTV.

"Bakit natin hindi i-request na dapat yung mga barko ay ma-require na magkaroon ng CCTV? Ang gusto ko through the SOLAS Convention, i-require lahat ng barko sa buong mundo na merong mga seafarers," aniya.

Sinabi ni Cacdac na matagal nang isinusulong ng DMW ang pagpapakabit ng CCTV sa mga barko at magmumungkahi sila ng mga pagbabago sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Magna Carta for Seafarers upang maisakatuparan ito.