Bride, Inakusahan ng Paggamit ng Love Potion, Nahaharap sa ₱500K Fraud Allegations
Ipinost noong 2025-03-13 16:20:48
CAGAYAN DE ORO, Philippines – Isang kasal sa Cagayan de Oro ang nauwi sa kontrobersya matapos umanong magising ang groom mula sa epekto ng isang “gayuma” dahilan para biglang makansela ang seremonya. Ngayon, nahaharap ang bride sa matinding scrutiny, hindi lang dahil sa diumano’y supernatural na intervention kundi pati na rin sa hindi nabayarang wedding expenses na umabot sa halos ₱500,000.
Nag-viral ang kakaibang insidente matapos ibunyag ng event organizers ang nangyari sa TikTok noong Marso 11. Sa video ng host, makikita ang bakanteng venue at ang pagkawala ng mahahalagang personalidad—kabilang ang judge, mga guests, at mismong couple. “First time in my life ay na-scam man me sa bride,” ayon sa host na dismayado sa biglaang no-show.
Makalipas ang ilang oras, dumating ang bride at groom ngunit nauwi sa mainit na pagtatalo, dahilan para maguluhan ang mga bisita at organizers. Kalaunan, dumating ang pulis para imbestigahan ang nangyari. Ayon sa mga ulat, ang bride ay nag-book ng iba’t ibang wedding services—kabilang ang catering, makeup, at venue arrangements—nang walang kahit anong down payment.
“Pati pagkain, make-up, everything—around 500k ang ginastos sa coordinator or even more, pero wala kahit isang piso na na-downpayment si bride,” ayon sa isang coordinator na nagsabing umasa lamang sila sa pangakong babayaran sila ng bride.
Mas lumala pa ang sitwasyon nang sabihin ng groom na hindi niya alam na ikakasal siya. Ayon sa kanya, nasa ilalim siya ng “gayuma” o love potion. Ayon sa mga saksi, tila wala ito sa sarili noong umaga ng kasal. “Di nya pinansin ang mga bata,” sabi ng isang coordinator, na napansin ang hindi karaniwang pagka-detached ng groom.
Ayon sa mga ulat, nabasag lang umano ang gayuma nang buhusan siya ng asin ng asawa ng kanyang kaibigan, na naging dahilan para mahimasmasan siya. Nagdulot ito ng matinding debate sa social media—may ilan na naniniwala sa gayuma, habang ang iba naman ay iniisip na baka gusto lang tumakas ng groom sa responsibilidad o sa malalaking bayarin.
Dinala ang couple sa kustodiya ng pulis para sa mas malalim na imbestigasyon. Tinitingnan ng mga awtoridad kung magsasampa ng kaso laban sa bride dahil sa hindi nabayarang wedding expenses na maaaring ituring bilang panloloko o fraud.
Larawan: Facebook
