PBBM, pinangunahan ang paggunita sa Ika-83 Araw ng Kagitingan sa Mt. Samat
Rose Anne Grace Dela Cruz Ipinost noong 2025-04-09 09:26:46
Abril 9, 2025— Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Miyerkules, Abril 9, 2025, ang paggunita sa ika-83 Araw ng Kagitingan sa pamamagitan ng isang wreath-laying ceremony sa Dambana ng Kagitingan sa Mount Samat National Shrine sa bayan ng Pilar, Bataan.
Ang seremonya ay alay sa kabayanihan at sakripisyo ng mga Pilipino at Amerikanong sundalong lumaban noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, partikular na ang mga nagbuwis ng buhay sa labanan sa Bataan at Corregidor.
Ang tema ngayong taon na “Kabayanihan ng Beterano: Sandigan ng Kaunlaran ng Bagong Pilipinas” ay nagbibigay-diin sa mahalagang papel ng mga beterano sa paghubog ng kinabukasan ng bansa at sa pagtahak sa direksyon ng isang Bagong Pilipinas na matatag, masigasig, at nagkakaisa.
Sa kanyang pahayag, hinimok ni Pangulong Marcos ang bawat Pilipino na tularan ang halimbawa ng kabayanihan ng mga lumaban sa Bataan sa pamamagitan ng pagsusulong ng mga adhikain na makakatulong sa kapwa at sa bayan.
“Ang kagitingan ay hindi lamang nasusukat sa lakas o tapang sa oras ng panganib, kundi maging sa maliliit na gawa ng malasakit, kabutihan, at pagkakawanggawa na may kakayahang lumikha ng makabuluhang pagbabago sa ating mga komunidad,” ani ng Pangulo.
“Habang hinaharap natin ang ating mga hamon, nawa’y tularan natin ang kanilang halimbawa sa pagsusulong ng mga layunin para sa ikabubuti ng kapwa Pilipino,” dagdag niya.
Ayon pa kay Marcos, “Sa pamamagitan ng tunay na paglilingkod at pagsasakripisyo para sa bayan, mapapatunayan nating tayo’y tagapagmana ng dangal at tapang ng ating mga ninuno — at tapat na tagapagpatuloy ng kanilang laban tungo sa isang malakas, ligtas, at masaganang Bagong Pilipinas.”
Binanggit din ng Pangulo na ang kwento ng mga bayani ng Bataan ay patuloy na nagsisilbing inspirasyon sa mga Pilipino upang ipagpatuloy ang tungkuling pangalagaan ang bansa at buuin ang isang bansang karapat-dapat sa kanilang sakripisyo.
Ang pagdiriwang ng Philippine Veterans Week mula Abril 5 hanggang 11 ay pinangungunahan ng Department of National Defense (DND) at Philippine Veterans Affairs Office (PVAO), katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan. Kabilang sa mga aktibidad ay mga programa sa iba’t ibang panig ng bansa na layuning kilalanin ang pagmamahal sa bayan ng mga beterano at palakasin ang diwa ng pagkakaisa at katatagan ng sambayanang Pilipino.
Ang taunang pagdiriwang ng Araw ng Kagitingan ay paalala ng taos-pusong pasasalamat ng sambayanan sa ating mga bayani at sa kahalagahan ng pagbabalik-tanaw sa kasaysayan bilang inspirasyon sa pagtataguyod ng kapayapaan, demokrasya, at pagkakaisa.
