Gov’t Employees na Nagla-like, Share ng Political Posts sa Social Media, Maaaring Masuspinde o Matanggal sa Trabaho
Jaybee Co-Ang Ipinost noong 2025-04-10 16:56:10
Habang papalapit ang May 2025 midterm elections, naglabas ng paalala ang Civil Service Commission (CSC) sa mga empleyado ng gobyerno: iwasan ang pakikisangkot sa kahit anong partisan political activity, lalo na sa social media. Ayon sa CSC, ang simpleng pagla-like, pag-share, pag-comment, o pag-follow ng mga political posts ay maaaring ituring na paglabag sa civil service rules, na may kaukulang parusa gaya ng suspension o dismissal mula sa serbisyo.
Nasa ilalim ito ng CSC Memorandum Circular No. 3, Series of 2025, na muling nagpaalala sa mga kawani ng pamahalaan na manatiling neutral, lalo na ngayong election period.
Ang pinakapundasyon ng patakarang ito ay ang 1987 Philippine Constitution, partikular sa Article IX-B, Section 2(4), na nagsasabing:
“No officer or employee in the civil service shall engage, directly or indirectly, in any electioneering or partisan political campaign.”
Klaro ang sinasabi ng batas: hindi puwedeng makisangkot ang government employees sa kahit anong aktibidad na maaaring ituring na pangangampanya, direkta man o hindi. At ngayon, sakop na rin ng polisiya ang mga online platforms gaya ng Facebook, Instagram, X (Twitter), at TikTok.
Ayon sa CSC, kahit pa personal na account ang gamit at hindi oras ng trabaho, ang mga aksyong tulad ng pag-share ng campaign videos, pag-like ng political endorsements, o pag-comment ng suporta sa isang kandidato ay maaaring ituring na partisan political activity kung malinaw na ang intensyon ay para magpakita ng suporta o pagtutol.
Binigyang-diin ng CSC na ang ganitong mga paglabag ay sakop ng 2017 Rules on Administrative Cases in the Civil Service (RACCS). Nakasaad dito na ang partisan political activity ay isang less grave offense na may mga sumusunod na penalties:
- First offense: Suspension ng one month and one day up to six months
- Second offense: Dismissal from the service
Dagdag pa ng CSC, ang batas ay hindi lang basta para sa mga opisyal ng gobyerno kundi para sa lahat ng empleyado sa national at local level—career man o non-career.
Pinaalalahanan din ng CSC ang mga ahensya ng gobyerno na siguraduhing naipapasa ang impormasyon sa kanilang mga kawani at na may sapat na monitoring mechanisms para maiwasan ang paglabag. Hinikayat din ang publiko na magsumbong kung may makitang mga empleyado ng gobyerno na lantaran ang paglabag sa polisiya.
Sabi ng CSC:
“Public trust in government institutions hinges on the impartiality and professionalism of civil servants. Even online, government employees must conduct themselves in a way that reflects the nonpartisan nature of public service.”
Nilinaw din ng komisyon na hindi nito layuning supilin ang freedom of expression, pero kailangang i-balanse ito sa responsibilidad ng mga civil servants na maging nonpartisan at propesyonal sa lahat ng oras.
“The Commission is committed to upholding the integrity and neutrality of the civil service, especially during politically charged periods such as elections,” dagdag pa ng CSC.
Sa nalalapit na halalan, nagsisilbing babala ang paalalang ito: kahit simpleng pag-like sa isang political post ay maaaring magresulta sa disciplinary action, lalo na kung ikaw ay nasa serbisyo publiko.
Larawan mula sa CSC
