Diskurso PH

DOTr pinayuhan ang mga pasahero na maging 4 o 5 na oras na maaga sa paliparan ngayong Semana Santa


Margret Dianne Fermin • Ipinost noong 2025-04-16 14:00:45
DOTr pinayuhan ang mga pasahero na maging 4 o 5 na oras na maaga sa paliparan ngayong Semana Santa

Abril 16, 2025 – Pinayuhan ng Department of Transportation (DOTr) ang mga biyahero na dumating sa mga paliparan apat hanggang limang oras bago ang kanilang flight.

Naglabas ng abiso ang DOTr bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng pasahero ngayong Semana Santa. Binigyang-diin ni DOTr Secretary Vince Dizon na mahalaga ang kompletong immigration counters upang mapanatili ang maayos na daloy ng mga pasahero.

"Kabilin-bilinan po natin sa ating mga ahensya at sa ating private operator… siguruhing laging puno ang ating mga immigration counters kahit na kinakailangan maagang pumasok ang ating mga immigration officers," ayon kay Dizon.

Layunin ng paalalang ito na maiwasan ang pagkaantala at mahabang pila sa mga paliparan, partikular sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Marami nang biyahero, kabilang ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs), ang maagang dumadating upang makaiwas sa aberya.

Isa na rito si seafarer James Banaag na dumating ng alas-9 ng umaga para sa kanyang alas-2 ng hapon na flight, upang matiyak na may sapat siyang oras sakaling may problema sa dokumento.

Pinaalalahanan din ng DOTr ang mga pasahero na magrehistro sa eTravel app, at ang mga OFW naman ay kailangang magdala ng Overseas Employment Certificate (OEC).

Nilinaw rin ng DOTr na ang mga bullet-shaped na agimat ay kokompiskahin na lamang imbes na i-offload ang pasahero para hindi na magdulot ng pagkaantala sa biyahe.

Positibo ang pagtanggap ng maraming biyahero sa paalala. Ayon sa OFW na si Jenmar Magbanua, bagamat masakit sa damdamin na malayo sa pamilya tuwing pista opisyal, kailangan tiisin para sa kinabukasan ng mga mahal sa buhay.

Patuloy ang panawagan ng DOTr sa mga biyahero na planuhin nang maaga ang kanilang mga lakad at dumating nang mas maaga sa paliparan upang maiwasan ang anumang aberya.