Diskurso PH
Translate the website into your language:

Meralco Franchise Extension: Ano ang ibig sabihin nito sa Filipino Ownership, Regulasyon, Serbisyo Publiko?

Jaybee Co-AngIpinost noong 2025-04-16 14:45:25 Meralco Franchise Extension: Ano ang ibig sabihin nito sa Filipino Ownership, Regulasyon, Serbisyo Publiko?

Inaprubahan na bilang ganap na batas ang panukalang nagpapalawig ng prangkisa ng Manila Electric Company (MERALCO) ng karagdagang 25 taon. Kinumpirma ni Executive Secretary Lucas Bersamin na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang naturang batas noong April 11, 2025. Dahil dito, pinahihintulutan na patuloy na magpatakbo ang Meralco hanggang 2053.

Ang Meralco ang pinakamalaking electric distribution utility sa bansa na nagsu-supply ng kuryente sa mahigit pitong milyong consumers sa Metro Manila at karatig-probinsiya. Kaya’t malaking hakbang ito sa energy sector. Bukod sa pagpapatuloy ng serbisyo, naglalaman din ang bagong batas ng mga mahahalagang probisyon na naglalayong palakasin ang oversight ng gobyerno, itaguyod ang Filipino ownership, at tiyakin ang transparency at public accountability.

Nagsimula ang legislative process ng panukalang ito noong November 6, 2024, nang aprubahan ito ng House of Representatives (HRep) sa ikatlo at pinal na pagbasa. Sinundan ito ng Senate approval noong February 3, 2025, kung saan nagdagdag ng ilang amendments para mas palakasin ang proteksyon sa consumers at isulong ang renewable energy. Noong March 11, 2025, tinanggap ng HRep ang mga amendments ng Senado, kaya’t tuluyang ni-ratify ang panukala at agad itong ipinadala sa Malacañang para sa pirma ng Pangulo.

Sa ilalim ng bagong batas, pinapayagan ang Meralco na ipagpatuloy ang operasyon sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Rizal, at ilang bahagi ng Batangas, Laguna, Quezon, at Pampanga. Isa sa mga pangunahing probisyon ng batas ay ang pagbabawal sa Meralco na palawakin ang kanilang service area maliban kung papayagan ng Kongreso. Layunin nitong iwasan ang monopoly at mapanatili ang fair competition sa power distribution.

Nakasaad din sa batas na kailangang hindi bababa sa 30% ng kabuuang capital stock ng Meralco ay pag-aari ng mga Filipino citizens. Kapag hindi ito nasunod, puwedeng bawiin ang prangkisa ng kumpanya.

Isa pang importanteng bahagi ng batas ay ang obligasyon ng Meralco na mag-submit ng annual reports tungkol sa kanilang Corporate Social Responsibility (CSR) projects, lalo na yung mga tumutulong maghatid ng kuryente sa mga lugar na hindi pa energized o underserved. Layunin nito na tiyakin ang pakikiisa ng Meralco sa mga proyektong pambansa para sa inclusive development.

Mananatili rin ang kapangyarihan ng Energy Regulatory Commission (ERC) na suriin at aprubahan ang mga singil ng Meralco sa kuryente. Inuulit ng batas ang papel ng ERC sa pagsiguro na makatarungan at abot-kaya ang electricity rates para sa mga consumers. Inaatasan din ang Meralco na sumunod sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) at Renewable Energy Act bilang bahagi ng pag-align sa national energy policies.

Ilalabas ang full copy ng signed law mula sa Malacañang at ipopost ito sa ilang online platform ng pamahalaan tulad ng Official Gazette. Ang pagpasa nito ay ikinatuwa ng ilang sektor sa negosyo, bagamat may ilang mambabatas at consumer groups na naglabas ng agam-agam dahil sa maagang renewal na tatlong taon bago mag-expire ang kasalukuyang franchise sa 2028. Ayon sa kanila, dapat sana’y isinailalim muna sa masusing review ang performance ng kumpanya. Sa kabila nito, nagsisilbi na ngayon ang bagong batas bilang updated framework ng operasyon ng Meralco sa ilalim ng mas mahigpit na regulasyon at malinaw na obligasyon sa publiko.

Larawan mula sa Meralco Facebook Page