PITX, Cubao terminal dinagsa ng mga pasaherong galing probinsya
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-04-20 11:10:45
April 20, 2025 — Muling dumagsa ang mga Pilipino sa Metro Manila ngayong Linggo ng Pagkabuhay matapos ang mahabang Semana Santa, habang naghahanda ang lahat sa pagbabalik ng pasok sa trabaho at klase kinabukasan.
Sa mga bus terminal sa Kamuning at Cubao, Quezon City, maaga pa lang ay bumaba na ang mga pasaherong galing probinsya. Ayon sa mga dispatcher, inaasahang dadagsa pa ang mas maraming manlalakbay mula hapon ng Linggo hanggang Lunes ng madaling araw.
Sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), iniulat ng mga opisyal ang malaking pagtaas sa bilang ng pasahero.
"We're now at a daily average of 150,000 commuters. As more travelers return, we expect the number to reach 160,000 today," ayon kay PITX Senior Corporate Affairs Officer Kolyn Calbasa.
Upang maiwasan ang matinding trapiko, nagtalaga ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng mahigit 2,500 traffic enforcers at 468 kagamitan gaya ng tow trucks at patrol cars.
"Our personnel are positioned on major roads leading to transport hubs to guide motorists and commuters," pahayag ni MMDA Chair Don Artes.
Sa mga expressway tulad ng NLEX, nagsimulang bumigat ang daloy ng sasakyan noong Sabado pa lang.
"So far, we have not had a big problem," sabi ni NLEX Corporation Assistant Vice President for Traffic Operations Robin Ignacio. Nagpatupad na rin ng counterflow lanes sa mga bahagi ng Pampanga at Bulacan upang maibsan ang trapiko.
Nagpaalala rin ang Philippine National Police (PNP) sa mga biyahero na manatiling mapagmatyag.
"We need to stay alert—save emergency numbers, inform neighbors of travel plans, and ensure homes are properly secured," ayon kay PNP Major General Roderick Alba.
Sa mga terminal, bantay-sarado ng pulisya ang seguridad habang pinaalalahanan ang mga pasahero na bantayan ang kanilang gamit.
"Keep an eye on your bags at all times," babala ng isang security officer sa Pasay bus terminal.
Habang bumabalik ang normal na takbo ng buhay sa Metro Manila, tiniyak ng mga opisyal ng transportasyon na handa na ang mga hakbang upang mapagaan ang pagbabalik ng mga manggagawa at estudyante sa lungsod.
