Mga solo parent sa NCR, may libreng sakay sa MRT-3 at LRT-2 sa Abril 26

Abril 25, 2025 — Makakabiyahe nang libre ang mga solo parent sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) at Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) sa darating na Sabado, Abril 26, bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Solo Parents’ Week.
Ipinahayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), katuwang ang Department of Transportation (DOTr), na maaaring mag-avail ng libreng sakay ang mga solo parent mula 7:00 a.m. hanggang 9:00 a.m., at 5:00 p.m. hanggang 7:00 p.m. sa pamamagitan ng pagpapakita ng kanilang Solo Parent Identification Card o SPIC.
“The one-day free ride can be availed by solo parents from 7 a.m. to 9 a.m., and 5 p.m. to 7 p.m. by presenting their solo parent identification cards or SPIC,” ayon sa abiso ng DSWD.
Layunin ng programa na kilalanin at bigyang suporta ang mga solo parent sa harap ng kanilang natatanging hamon at ambag sa lipunan.
Ang inisyatibong ito ay alinsunod sa Republic Act 11861 o Expanded Solo Parents Act of 2022, na nagtatakda sa ikatlong linggo at ikatlong Sabado ng Abril bilang Solo Parents’ Week at National Solo Parents Day.
Pinapalawak ng batas na ito ang naunang Republic Act 8972 o Solo Parents’ Welfare Act of 2000 upang mas palakasin ang proteksyong panlipunan para sa mga solo parent.
Upang makakuha ng Solo Parent ID, kailangang magtungo sa lokal na tanggapan ng DSWD. Kabilang sa mga kwalipikadong kondisyon para dito ang pagiging biyuda, inabandona o hiniwalayan ng asawa, pagiging biktima ng panggagahasa, o kapag ang asawa ay nakakulong o may mental na kapansanan.
Binigyang-diin ng DSWD na bahagi ito ng mas malawak na layunin na maghatid ng suporta sa mga solo parent.
Kabilang sa mga benepisyo ng Solo Parent ID ang karagdagang leave sa trabaho, tulong pangkabuhayan, suportang sikolohikal, at edukasyong ayuda para sa mga anak.
Ipinapakita ng pagtutulungan ng DSWD at DOTr ang patuloy na pagtugon ng pamahalaan sa pangangailangan ng mga solo parent tungo sa isang mas inklusibong lipunan.