Duterte: ‘Walang hurisdiksiyon ang ICC!’—kampo humihiling ng agarang pagpapalaya
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-05-02 09:25:10
2 Mayo 2025 — Pormal nang hinamon ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang hurisdiksiyon ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kanyang pagkakaaresto sa kasong crimes against humanity.
Sa isang 38-pahinang dokumento na may petsang Mayo 1, 2025, inihayag ng mga abogado ni Duterte na sina Nicholas Kaufman at Dr. Dov Jacobs na wala umanong legal na awtoridad ang ICC upang litisin ang dating pangulo.
“Pursuant to Article 19 (2) (a) of the Rome Statute, the Defence for Mr. Rodrigo Roa Duterte hereby respectfully submits a challenge to the exercise of jurisdiction by the International Criminal Court,” nakasaad sa dokumento.
Iginiit ng depensa na naging epektibo ang pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute noong Marso 17, 2019, at wala nang hurisdiksiyon ang ICC nang aprubahan ng Pre-Trial Chamber ang imbestigasyon noong Setyembre 15, 2021.
“As a consequence, all procedural steps taken in the Situation and, subsequently, in the case against Mr. Rodrigo Roa Duterte, lack legal foundation and should be nullified forthwith,” ayon sa kampo ni Duterte.
Naaresto si Duterte noong Marso 11 at dinala sa The Hague, Netherlands, kung saan siya ngayon ay nakakulong sa Hague Penitentiary Institution. Nakatakda ang pagdinig para sa kumpirmasyon ng mga kaso sa Setyembre 23, 2025.
Humihiling ang kanyang depensa ng agarang pagpapalaya, dahil “his liberty is at stake.”
“The Defence requests the Pre-Trial Chamber find that there is no legal basis for the continuation of the proceedings against Mr. Rodrigo Roa Duterte and to order his immediate and unconditional release,” giit ng mga abogado.
Nauna nang iginiit ng ICC na may hurisdiksiyon ito sa mga krimeng umano’y ginawa sa Pilipinas mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019—panahong kasapi pa ang bansa sa Rome Statute.
Isinama rin ng depensa ang umano’y posisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ayon sa kanila ay nagbigay ng sulat ng pagtitiyak na hindi makikipagtulungan ang kanyang administrasyon sa ICC.
“No less than President Marcos has made clear that former President Duterte should not be tried at the ICC,” saad pa ng kampo ni Duterte.
Wala pang pahayag ang ICC ukol sa hamon na ito, ngunit inaasahan ng mga eksperto sa batas na magiging matagal at masalimuot ang legal na labanan.
