Anak ng tindera ng bolpen, topnotcher ng PMA class of 2025
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-05-08 16:22:08
Mayo 8, 2025 — Itinanghal si Cadet First Class Jessie Ticar Jr. bilang valedictorian ng Philippine Military Academy (PMA) Siklab-Laya Class of 2025. Anak siya ng isang tindera ng bolpen sa Quezon City at nagtapos bilang summa cum laude—ang ikaapat lamang sa kasaysayan ng akademya na nakamit ang karangalang ito.
Tubong Barangay Batasan Hills si Ticar at bunso sa apat na magkakapatid. Ang kanyang ina ay nagtitinda ng school supplies, habang ang kanyang ama, dating taxi driver, ay naging person with disability (PWD) matapos magkasakit.
"The most challenging part of my life before entering the academy is the financial constraint," ani Ticar. "That became my motivation to become what I am today. I hope that inspires a lot of people."
Bago pumasok sa PMA, naging President’s Lister si Ticar sa Polytechnic University of the Philippines (PUP). Matapos makapasa sa PMA entrance exam, pinili niyang maglingkod sa bayan at pumasok sa akademya kung saan siya namukod-tangi sa academics at leadership training.
Pinuri ni PMA Superintendent Vice Admiral Caesar Bernard Valencia si Ticar at ang buong batch. "Each cadet came from a different background. The academy ensures that graduates possess the character and military skills to become competent and principled officers," pahayag ni Valencia.
Tatanggap si Ticar ng maraming parangal gaya ng Presidential Saber, JUSMAG Saber, at Army Saber na personal na ipagkakaloob sa kanya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Mayo 17 graduation rites.
Binubuo ang Siklab-Laya Class of 2025 ng 266 graduates: 137 sa Army, 58 sa Air Force, at 72 sa Navy. Ipinahayag din ng PMA ang planong palitan ang curriculum upang isama ang mga asignaturang may kaugnayan sa cyber warfare, artificial intelligence, asymmetric warfare, at drone warfare sa susunod na taon.
Hangad ni Ticar na magsilbing inspirasyon sa mga kapwa kabataang humaharap sa hirap ng buhay. "I believe that the academy has a holistic approach to developing cadets. I hope my journey encourages others to persevere despite challenges," aniya.
