Diskurso PH
Translate the website into your language:

Kanlaon pumutok matapos ang eleksyon; Negros sinalanta ng abo

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-05-13 12:05:16 Kanlaon pumutok matapos ang eleksyon; Negros sinalanta ng abo

NEGROS ISLAND — Pumutok ang Bulkang Kanlaon sa isang malakas na pagsabog nitong Martes, Mayo 13, 2025, bandang 2:55 ng madaling araw, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs). Nangyari ito isang araw matapos ang halalan.

Tumagal ng limang minuto ang pagsabog at naglabas ito ng makapal na abong kulay abo na umabot sa 3,000 metro ang taas at tinangay pa-kanluran ng hangin.

Ayon sa Phivolcs, nakarinig ng malalakas na ugong ang mga residente sa Barangay Pula sa Canlaon City, Negros Oriental, at sa La Castellana, Negros Occidental.

Nagpakawala rin ang bulkan ng pyroclastic density currents na bumaba sa timog na bahagi ng bulkan, umabot ng dalawang kilometro mula sa bunganga. Nakita rin ang malalaking ballistic fragments malapit sa tuktok ng bulkan na nagsanhi ng pagkasunog ng mga halaman.

Ilang komunidad sa Negros Occidental ang nakaranas ng pag-ulan ng abo, kabilang ang:

  • La Carlota City – Barangay Yubo at Ara-al

  • Bago City – Barangay Ilijan at Binubuhan

  • La Castellana – Barangay Biak-na-Bato, Sag-ang, at Mansalanao

Noong Mayo 12, nakapagtala ang Phivolcs ng 72 volcanic earthquakes na nagpapahiwatig ng nagpapatuloy na aktibidad ng magma. Simula Mayo 11, umabot na sa 135 ang kabuuang bilang ng volcanic earthquakes, kabilang ang mga volcano-tectonic events, na nagpapakita ng pagbitak ng bato sa ilalim ng bulkan.

Nananatili sa Alert Level 3 ang Kanlaon, na nangangahulugang mataas ang posibilidad ng karagdagang pagsabog.

Nanawagan si Phivolcs Director Teresito Bacolcol sa mga lokal na pamahalaan na paghandaan ang posibleng paglikas. “Para sa mga LGUs, hinihikayat natin na kapag, there is a big eruption, they should be ready to evacuate 'yung mga nakatira behind the 6 kilometers danger zone,” pahayag ni Bacolcol.

Ang Kanlaon ay isa sa 24 na aktibong bulkan sa Pilipinas at may ilang beses nang sumabog sa nakalipas na siglo. Ang huling malakas na pagsabog nito ay noong Abril 8, kung saan umabot sa 4,000 metro ang taas ng abo at gas na inilabas nito. Noong Agosto 1996, tatlong hiker ang nasawi matapos tamaan ng mainit na bato mula sa isang pagsabog sa tuktok ng bulkan.

Patuloy na minomonitor ng mga awtoridad ang aktibidad ng bulkan at pinapayuhan ang mga residente na manatili sa loob ng bahay at gumamit ng face mask upang maiwasan ang paglanghap ng abo. Nakahanda na rin ang mga emergency response teams sakaling lumala pa ang aktibidad ng bulkan.

Image Screengabbed from PHIVOLCS