Diskurso PH
Translate the website into your language:

Lisensya ni Yanna Motovlog sinuspinde matapos ang viral road rage

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-05-22 10:31:34 Lisensya ni Yanna Motovlog sinuspinde matapos ang viral road rage

MAYNILA, Pilipinas — Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya sa pagmamaneho ng kilalang motovlogger na si Yanna Motovlog at pinagmulta ng kabuuang ₱7,000 dahil sa isang viral na insidente ng road rage sa Zambales.

Batay sa pitong pahinang desisyon ng LTO, napatunayang lumabag si Yanna sa reckless driving at sa pagmamaneho ng motorsiklong walang side mirrors, na parehong paglabag sa Republic Act 4136 o Land Transportation and Traffic Code. Pinagmulta siya ng ₱5,000 para sa kawalan ng side mirrors at ₱2,000 para sa reckless driving.

Ang insidente ay mismong naitala at in-upload ni Yanna sa kanyang social media, kung saan makikita ang mainit na pagtatalo niya sa isang pickup driver sa isang baku-bakong kalsada sa Zambales. Umani ito ng batikos mula sa netizens dahil sa mapanganib niyang pag-overtake at agresibong pag-uugali.

Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, mananatiling suspendido ang lisensya ni Yanna hangga’t hindi niya isinusuko ang motorsiklong ginamit sa insidente.

“All law enforcement officers have been directed to apprehend Yanna Motovlog if she is found driving on public roads—until such time that the suspension on her driver’s license is lifted,” pahayag ni Mendoza.

Nilagyan din ng alarm status ang rehistro ng naturang motorsiklo, ibig sabihin, pananagutin din ang may-ari nito hangga’t hindi ito naisusuko para sa inspeksyon.

Bagamat ipinatawag si Yanna para magpaliwanag, hindi siya sumipot sa mga hearing at nabigong isuko ang motorsiklo. Ayon sa LTO, ito ay malinaw na paglapastangan sa legal na proseso.

“This noncompliance not only violates the instructions mandated by this Office but also demonstrates outright disrespect for established legal procedures and regulatory enforcement,” nakasaad sa desisyon.

Nauna nang naglabas si Yanna ng sulat ng paghingi ng tawad, at sinabing handa siyang harapin ang anumang parusa, ngunit sinabi ng LTO na nawalan ng saysay ang kanyang pahayag dahil sa hindi niya pakikipagtulungan.

Image from Yanna’s FB Page