VP Sara Duterte vs Senado! Impeachment trial kikilos na sa Hunyo

MAYNILA, Pilipinas — Kumpirmado na ng Senado na tatanggapin nito ang panel ng mga tagausig mula sa Mababang Kapulungan para sa pagbasa ng impeachment charges laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte sa darating na Hunyo 2, 2025.
Kinumpirma ito ni Senate President Francis “Chiz” Escudero sa isang liham na ipinadala kay House Speaker Martin Romualdez.
“Pursuant to Rule I of the Rules of Procedure on Impeachment Trials, we would like to inform your good office that, having taken proper order on the impeachment of Vice-President Sara Z. Duterte, the Senate shall be ready to receive the House of Representatives panel of prosecutors at 4 o’clock in the afternoon of June 2, 2025,” ani Escudero.
Ayon sa Senate President, magbubukas ang Senado bilang impeachment court kinabukasan, Hunyo 3, sa ganap na 9:00 ng umaga upang maglabas ng mga subpoena at iba pang kautusan para sa paglilitis.
Na-impeach si Duterte ng Kamara noong Pebrero 5, 2025, kung saan mahigit 200 kongresista ang lumagda sa reklamong isinampa laban sa kanya. Kabilang sa mga akusasyon ay betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution, graft and corruption, at iba pang mataas na krimen.
Batay sa inilabas na iskedyul ng Senado, ipapadala ang mga summons sa Hunyo 4. Susundan ito ng pagtanggap ng mga pleadings mula Hunyo 14 hanggang 24. Itatakda naman ang pre-trial phase mula Hunyo 24 hanggang Hulyo 25. Inaasahang magsisimula ang pormal na paglilitis sa Hulyo 30, 2025.
Samantala, nagpahayag ng matinding kumpiyansa si Duterte sa nalalapit na paglilitis.
“I want a bloodbath,” ani Duterte. Kinumpirma rin niyang naka-“full throttle” na ang kanyang legal team sa paghahanda ng depensa.