Diskurso PH
Translate the website into your language:

Paalam tag-init! Habagat nagbabadya ng tuloy-tuloy na pag-ulan

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-05-30 18:45:53 Paalam tag-init! Habagat nagbabadya ng tuloy-tuloy na pag-ulan

Mayo 30, 2025 — Pormal nang idineklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pagsisimula ng Habagat o Southwest Monsoon season sa bansa.

Ayon sa pahayag ng PAGASA, batay sa pinakahuling weather analysis, nagpapatuloy ang low-level southwesterly winds sa kanlurang bahagi ng Luzon at may frontal system sa Extreme Northern Luzon, na nagsisilbing hudyat ng paglipat sa panahon ng Habagat.

Ipinaliwanag ng ahensya na, “With the weakening of the Easterlies, these developments indicate the beginning of the Southwest Monsoon in the Philippines—one of the precursors of the onset of the rainy season.”

Nagbabala ang PAGASA na sa pag-iral ng Habagat, asahan ang paminsan-minsan hanggang madalas na pag-ulan at thunderstorms, partikular sa kanlurang bahagi ng bansa.

Dagdag pa ng PAGASA, maaaring opisyal na magsimula ang rainy season sa loob ng susunod na dalawang linggo depende sa magiging pattern ng pag-ulan.

Gayunpaman, nilinaw ng ahensya na maaaring makaranas pa rin ng monsoon breaks o pansamantalang pagtigil ng pag-ulan kahit nagsimula na ang Habagat season.

Pinayuhan ang mga residente sa apektadong mga lugar na maging alerto dahil sa inaasahang pagdami ng pag-ulan at thunderstorms sa mga darating na linggo.

Patuloy na mino-monitor ng PAGASA ang lagay ng panahon at hinihikayat ang publiko na mag-ingat laban sa pagbaha at rain-induced landslides.