DOH pinalakas ang kampanya laban sa HIV, self-testing kits inilunsad
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-06-05 11:48:32
Hunyo 5, 2025 — Pinalakas ng Department of Health (DOH) ang kampanya laban sa tumataas na kaso ng HIV sa bansa, sa pamamagitan ng mga bagong inisyatiba para mapadali ang access sa antiretroviral (ARV) drugs at mapabilis ang serbisyong medikal para sa mga taong namumuhay na may HIV (PLHIV).
Iniulat ni DOH Secretary Teodoro Herbosa na nakapagtala ang ahensya ng nakababahalang average na 57 bagong kaso ng HIV kada araw mula Enero hanggang Marso 2025. Bilang tugon, pinalawak ng DOH ang libreng pamamahagi ng ARV drugs at naglunsad ng bagong serbisyo sa mga pangunahing ospital.
“Mas napaigting ng Department of Health ang pagbibigay ng libring antiretroviral or ARV drugs sa ating mga kababayan na namumuhay na may HIV,” pahayag ni Herbosa.
Upang gawing mas accessible ang serbisyo, ipinatupad ng DOH ang patient appointment system sa San Lazaro Hospital at Fabella Center, lalo na para sa mga buntis na nangangailangan ng konsultasyon at gamot para sa HIV.
“Sa sistema nito, masisiguro natin na regular na ang pagkonsulta ng mga persons living with HIV at regular na rin makukuha ang libreng maintenance ARV drugs para mamanage ang kanilang kondisyon,” paliwanag ni Herbosa.
Bukod sa libreng ARV drugs, patuloy ang pagbibigay ng DOH ng libreng HIV screening at confirmatory test sa mga designated hubs tulad ng San Lazaro. Binigyang-diin ni Herbosa ang kahalagahan ng maagang diagnosis: “Hindi na po death sentence ang HIV sa panahon ngayon. Maintenance lang ang kailangan po — para lang na siyang high blood or diabetes.”
Tinukoy din ni Herbosa ang patuloy na stigma na nagpapalala sa problema. “Napansin ko, tumataas ang HIV kasi mataas pa rin ang stigma sa atin,” aniya, sabay panawagan ng mas malawak na edukasyon at impormasyon para hikayatin ang bukas na talakayan at regular na pagpapasuri.
Inihain na ng DOH ang panukalang magdeklara ng national public health emergency sa HIV, alinsunod sa rekomendasyon ng Philippine National AIDS Council. Kinumpirma ni Herbosa na naisumite na ang memorandum kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at kasalukuyang pinag-uusapan sa antas ng Gabinete.
Bukod pa rito, inilunsad ng DOH ang self-testing kits na aprubado ng Food and Drug Administration at mabibili na sa mga botika, na nagbibigay-daan sa pribadong HIV screening. Paalala ni Herbosa, ang mga positibong resulta mula sa self-test ay kailangan pa ring i-confirm sa mga treatment hub.
Samantala, ibinahagi rin ni Herbosa ang tagumpay ng Pilipinas sa 77th World Health Assembly (WHA) sa Geneva, kung saan naging aktibo ang bansa sa pag-apruba ng pandemic agreement na naglalayong tiyakin ang patas na access sa bakuna, gamot, at health technologies sa panahon ng pandemya.
“Ang pandemic agreement din po ay magbibigay ng proteksyon sa mga doktor, nars at iba pang health and care workers dahil may mga probisyon ito para protektahan ang kanilang karapatan at kapakanan,” dagdag niya.
Kabilang din sa mga nakamit ang $25 milyong pandemic fund mula sa World Bank na ilalaan para palakasin ang healthcare system ng bansa. Kinilala rin ng WHA ang Pilipinas para sa kahusayan ng health and care workforce nito, dahilan ng pakikipag-ugnayan sa mga organisasyon tulad ng International Organization for Migration upang suportahan ang ethical recruitment at pagbutihin ang benepisyo ng mga Filipino healthcare workers.
Sa mga lokal na inisyatiba, iniulat ni Herbosa na ang Bukas centers ng DOH — mga one-stop ambulatory care clinic — ay nakapagsilbi na sa halos 860,000 pasyente mula nang ilunsad ito noong Marso 2024. Nagbibigay ang mga sentrong ito ng libreng konsultasyon, minor surgeries, prenatal care, bakuna, at maintenance medication. “Ang Bukas ay bahagi ng layunin ng DOH na mas maramdaman ng mga kababayan natin ang universal healthcare,” aniya.
Tinapos ni Herbosa ang ulat sa muling pagtiyak sa pangako ng DOH na palawakin ang mga serbisyong medikal at tiyakin na ang healthcare ay mananatiling accessible at patas sa buong bansa, kasabay ng pagpapatibay ng diplomatic ties at health initiatives sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Marcos.
