Bagong e-bus para sa PWD inilunsad; may kita rin para sa PWD operators
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-06-19 13:15:48
Hunyo 18, 2025 — Inilunsad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga electric bus na idinisenyo para sa persons with disabilities (PWDs), bilang tugon sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magbigay ng ligtas at inklusibong transportasyon.
Pinangunahan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang test run ng bagong PWD-friendly e-buses sa Batasan Hills, Quezon City, bilang pagpapakita ng pagtutok ng ahensya sa accessible na mobilidad. “In line with the President’s instruction, we are ensuring that our PWDs have safe and accessible transport options… This is part of our long-term goal to make inclusive mobility a reality for every Filipino,” ani Gatchalian.
Bahagi ito ng Persons with Disabilities Electric Transportation Services (PWD-ETS) Project na pinondohan sa pamamagitan ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD.
Dalawampung electric shuttle ang kasalukuyang ginagamit, na may wheelchair ramps, maluwag na interior, at CCTV cameras para sa ligtas at kumportableng biyahe ng mga PWD.
Sa ngayon, ginagamit ang mga e-bus bilang corporate shuttle ng mga PWD na nagtatrabaho sa Bonifacio Global City (BGC), Taguig. Plano ng DSWD na buksan ito sa publiko, simula sa Quezon City para sa unang commercial route.
Bukod sa accessible transport, nagbibigay din ang proyekto ng kabuhayan sa mga PWD groups na kasamang may-ari at nagpapatakbo ng mga shuttle. Maaaring kumita ng hanggang ₱30,000 kada buwan ang bawat grupo.
Nakikipag-ugnayan ang DSWD sa Department of Transportation (DOTr) para palawakin ang sakop ng ruta at dagdagan ang bilang ng e-buses. Patuloy ang ahensya sa paghahanap ng paraan upang masigurong pantay-pantay ang akses ng mga PWD sa pampublikong transportasyon.
