Libreng toll sa NLEX northbound mula Balintawak hanggang Meycauayan sa Hunyo 22
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-06-22 12:18:25
Hunyo 21, 2025 — Inanunsyo ng North Luzon Expressway (NLEX) Corporation na libre ang toll sa northbound lane mula Balintawak hanggang Meycauayan sa Hunyo 22, 2025, upang maibsan ang matinding trapikong dulot ng pagkukumpuni sa Marilao Bridge.
Magiging epektibo ang toll suspension mula 1:00 a.m. hanggang 12:00 ng hatinggabi sa Linggo. Ayon sa NLEX Corporation, “To facilitate the immediate repairs of the Marilao Overpass Bridge, which sustained severe damage from a truck violating regulations, NLEX Corporation will implement temporary toll relief.”
Kasunod ito ng utos mula sa Department of Transportation (DOTr) makaraang masawi ang isang 54-anyos na pasahero sa isang Asian utility vehicle noong Hunyo 18, matapos bumangga ang isang 18-wheeler truck sa ilalim ng tulay. Bumagsak ang isang beam ng tulay, na ikinasugat din ng ilan kabilang ang isang 2-taong gulang na bata.
Inatasan ni DOTr Secretary Vince Dizon ang suspensyon ng toll at iginiit na mananagot ang NLEX Corporation sa nangyari. Kasalukuyang nasa custody ng pulisya ang driver ng truck, na sinampahan ng mga kasong reckless imprudence resulting in homicide, serious physical injuries, at damage to property.
Ipapatupad ang stop-and-go traffic scheme sa apektadong bahagi upang mabawasan ang abala sa mga motorista. Mananatiling sarado ang northbound lane ng Marilao Bridge hanggang Hunyo 26 para sa kumpletong pagkukumpuni ng estruktura.
