Diskurso PH

Korte sa Muntinlupa pinagtibay ang pagpapawalang-sala kay De Lima


Margret Dianne Fermin • Ipinost noong 2025-06-28 13:17:06
Korte sa Muntinlupa pinagtibay ang pagpapawalang-sala kay De Lima

Hunyo 28, 2025 — Muling pinagtibay ng isang korte sa Lungsod ng Muntinlupa ang pag-absuwelto kay dating Senadora Leila de Lima at dating driver niyang si Ronnie Dayan sa kasong conspiracy to commit illegal drug trading, matapos itong ibalik ng Court of Appeals (CA) para sa panibagong pagrebisa.

Sa 50-pahinang desisyon, nanindigan si Presiding Judge Abraham Joseph Alcantara ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 204 sa orihinal na pagpapawalang-sala noong Mayo 2023, at iginiit na nabigong patunayan ng prosekusyon ang pagkakasala ng mga akusado nang lampas sa makatwirang duda.

Ang kaso ay nag-ugat sa alegasyong tumanggap umano si de Lima ng ₱10 milyon mula sa mga preso sa New Bilibid Prison noong siya ay kalihim ng DOJ, para gamitin sa kanyang kampanya sa Senado noong 2016.

Una nang kinuwestyon ng CA ang desisyon ng korte at inutusan itong magsagawa ng mas detalyadong paliwanag sa mga batayan ng desisyon.

Bilang tugon, binigyang-diin ni Judge Alcantara na ang pagbawi ni dating Bureau of Corrections chief Rafael Ragos sa kanyang naunang testimonya ay sapat nang dahilan para igalang ang karapatang konstitusyonal ng mga akusado sa presumption of innocence.

“To reiterate and emphasize, the testimony of witness Ragos is necessary to sustain any possible conviction. Without his testimony, the crucial link to establish conspiracy is shrouded with reasonable doubt,” ayon sa korte.

Si De Lima, na kilalang kritiko ng war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ay nakulong mula 2017 hanggang 2023. Mariin niyang itinanggi ang lahat ng paratang at inilarawan ang mga kaso bilang pampulitikang paninira.

Sa bagong desisyong ito, nabura na ang lahat ng tatlong drug-related cases laban kay de Lima.

Mayroong 15 araw ang Department of Justice para umapela. Ayon sa mga legal na eksperto, posibleng maharap sa constitutional challenges ang anumang apela dahil sa prinsipyo ng double jeopardy.