Diskurso PH
Translate the website into your language:

TNVS driver, pinatay ng pasahero; katawan, ‘di pa rin natatagpuan

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-07-09 14:04:26 TNVS driver, pinatay ng pasahero; katawan, ‘di pa rin natatagpuan

Hulyo 9, 2025 — Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang brutal na pagpatay sa isang TNVS driver na si Raymond Cabrera, na hinihinalang pinagnakawan at pinaslang ng mga pasahero na kanyang sinundo sa Parañaque City noong Mayo 18.

Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI), huling nakita si Cabrera na nagsasakay ng tatlong lalaking pasahero mula sa isang establisyemento sa Parañaque.

Batay sa dashcam audio na narekober ng NBI, hindi na si Cabrera ang nagmamaneho ng sasakyan, at maririnig sa recording ang nakakakilabot na mga tunog ng pananaksak.

“Patayin ka na namin,” ani ng isa sa mga suspek, kasunod ng mga salitang nagsasabing sinasaksak nila si Cabrera sa dibdib.

Sa CCTV footage, namataan ang dalawang suspek na iniwan ang ninakaw na sasakyan sa isang convenience store sa Valenzuela.

“Nakita natin sa CCTV yung mga taong nagdala. Pagkababa nila sa convenience store, lumabas sila, sumakay ng pedicab at later on, sumakay pa sa isa pang sasakyan,” ayon kay NBI agent Atty. Joseph Martinez.

Nakilala na ang mga suspek, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin natatagpuan ang bangkay ni Cabrera. Nagtakda ang kanyang pamilya ng ₱100,000 pabuya para sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan ng kanyang katawan.

“Ang pinaka-main goal po talaga namin is makita po siya... kahit mabigyan na lang po namin siya ng maganda at maayos na libing,” ayon sa anak ni Cabrera.

Kinasuhan na ang mga suspek ng carnapping at robbery with homicide. Patuloy ang panawagan ng NBI sa publiko para sa impormasyon na maaaring makatulong sa pagresolba ng kaso at makapagbigay ng hustisya at katahimikan sa naulilang pamilya.