Diskurso PH
Translate the website into your language:

House Bill: Libreng Sine at Cellphone Discount para sa Seniors at PWDs

Jaybee Co-AngIpinost noong 2025-07-10 15:27:51 House Bill: Libreng Sine at Cellphone Discount para sa Seniors at PWDs

MANILA, Philippines — Maaaring madagdagan ang mga benepisyo ng mga senior citizens at persons with disabilities (PWDs) sa ilalim ng isang bagong panukalang batas sa Kamara na naglalayong bigyan sila ng 20% discount at VAT exemption sa pagbili ng cellphone, at libreng panonood ng sine isang beses kada linggo.

Ang panukala ay inihain nina House Speaker Martin Romualdez, at mga kinatawan ng Tingog Party-list. Ayon sa kanila, layunin nitong palawakin ang kasalukuyang mga pribilehiyo ng mga matatanda at PWDs para mas maging digitally connected at magkaroon ng masayang social life.

1. 20% Discount at VAT Exemption sa Cellphones

Sa ilalim ng panukala, papayagan na ang mga seniors at PWDs na makakuha ng 20% diskwento at VAT exemption sa pagbili ng cellphone.

Sa ngayon, hindi sakop ng existing senior at PWD discount laws ang gadgets tulad ng cellphone. Pero binibigyang-diin ng panukalang ito na mahalagang bahagi na ng araw-araw na buhay ang mobile phones—lalo na para sa communication, emergency alerts, at social connection.

 2. Libreng Panonood ng Sine Isang Beses Kada Linggo

Isa rin sa mga tampok ng panukala ay ang pagbibigay ng libreng movie access kada linggo sa mga senior citizens at PWDs.

Pero may kondisyon: hindi ito sakop ang premiere nights o unang dalawang araw ng showing ng pelikula. Makikipag-coordinate ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), LGUs, at mga sinehan para tiyakin ang maayos na pagpapatupad nito.

3. Pwede ang Discount Kahit Sale o Promo ang Item

Nilinaw din sa panukala na ang 20% discount at VAT exemption ay pwedeng ipatong sa kahit anong existing promo o sale.

Ibig sabihin, kahit naka-sale ang cellphone o may promo, dapat pa ring ibigay ang senior o PWD discount. Layunin nitong tanggalin ang kalituhan sa ilang establishments na tumatangging magbigay ng discount kapag may promo na.

 Status ng Panukala

Ang panukala ay kahalintulad ng House Bill No. 16 na naipasa ng HRep noong nakaraang Kongreso pero hindi inaksyunan sa Senado. Ngayon, inuulit ito para agad na maipasa sa 20th Congress na magbubukas sa Hulyo 28, 2025.

Kapag naisabatas, ang DSWD, Department of Trade and Industry (DTI), at Bureau of Internal Revenue (BIR) ang maglalabas ng implementing rules para sa maayos na pagpapatupad.

Mas Malawak na Benepisyo para sa Seniors at PWDs

Ayon kay Speaker Romualdez, layunin ng panukala na suportahan ang kalayaan, digital access, at emotional well-being ng ating mga senior citizens at PWDs.

Batay sa datos ng PSA, may humigit-kumulang 9 milyon senior citizens at halos 2 milyon PWDs sa Pilipinas. Umaasa ang mga mambabatas na makakatulong ang panukala para mabawasan ang barriers sa komunikasyon, maibsan ang social isolation, at kilalanin ang patuloy na ambag ng mga matatanda at PWDs sa lipunan.

 

Larawan mula sa Pixabay