6 na buto ng tao kumpirmado sa Taal Lake
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-07-16 08:39:05
MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na anim sa 91 piraso ng buto na narekober mula sa Lawa ng Taal ay posibleng mula sa tao, kasabay ng pinalalakas na paghahanap sa mga nawawalang sabungero na pinaniniwalaang itinapon sa lawa.
Ayon kay Lt. Col. Edmar Dela Torre, officer-in-charge ng PNP DNA Laboratory Division, natukoy na ang anim na buto ay maaaring galing sa tao base sa kanilang pisikal na anyo o morphology. Kabilang sa mga ito ang tatlong itinuturing na mahalaga—isang pelvic bone, sacroiliac joint, at lumbar bone—na inuuna ngayon para sa DNA extraction at testing.
Inaasahang aabutin ng lima hanggang pitong araw ang proseso ng DNA extraction, kasunod ng isa pang linggo para sa cross-matching gamit ang DNA samples mula sa 18 kamag-anak ng mga nawawalang sabungero.
Ipinaliwanag ni Dela Torre na mahirap ang operasyon dahil nakalubog sa tubig ang mga buto. Binigyang-diin niyang kahit mahirap o madali, kailangang dumaan sa pagsusuri ang lahat ng narekober para sa transparency.
Nakuha ang mga piraso ng buto mula sa limang sako na iniahon ng technical divers mula sa Philippine Coast Guard, batay sa pahayag ni whistleblower Julie “Dondon” Patidongan na pinatay ang mga sabungero, tinalian ng sandbag, at itinapon sa lawa.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, maaaring tumagal ng hanggang anim na buwan ang search operations dahil sa lawak ng lawa na umaabot sa 224 square kilometers. Aniya, hindi madaling hanapin ang mga labi ng tao sa ganoong kalaking lugar.
Habang nagpapatuloy ang forensic testing, patuloy na umaasa ang mga pamilya ng nawawalang sabungero na matutukoy ang mga narekober na buto, upang tuluyan nang makamit ang kasagutan at hustisya sa kasong gumugulo sa bansa mula pa noong 2021.
