Trump, nagdemanda ng $10B laban sa media: 'Peke' raw ang liham kay Epstein
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-07-22 10:06:40
HULYO 22, 2025 — Inihain ni Pangulong Donald Trump ang $10 bilyong defamation lawsuit laban kina Rupert Murdoch, News Corp, at The Wall Street Journal matapos mailathala ang ulat na nagsasabing nagpadala siya ng "suggestive" na birthday letter kay Jeffrey Epstein noong 2003.
Idinemanda sila sa Miami federal court, at itinanggi ni Trump ang pagkakaroon ng naturang liham. Aniya’y may masamang intensyon ang mga nasabing media entity.
Nagpost si Trump sa Truth Social at tinawag itong fake news, sabay pahayag: "We have just filed a POWERHOUSE Lawsuit against everyone involved in publishing the false, malicious, defamatory, FAKE NEWS 'article' in the useless 'rag' that is, The Wall Street Journal."
(Nag-file kami ng malakas na demanda laban sa lahat ng sangkot sa paglathala ng peke, masama, at mapanirang puri na artikulo sa walang kwentang basura na The Wall Street Journal.)
Ayon sa kontrobersiyal na ulat, naglalaman daw ang liham ni Trump ng bastos na drawing ng isang hubad na babae at binanggit ang kanilang mga "shared secrets" kasama si Epstein — ang financier na akusado sa sex trafficking ng mga menor de edad bago ito namatay.
Pero giit ni Trump, gawa-gawa lamang ang dokumento: "It's not my language. It's not my words. I never wrote a picture in my life. I don't draw pictures of women."
(Hindi 'yan salita ko. Hindi 'yan galing sa akin. Hindi ako nagdo-drawing ng mga babae.)
Dumating ang demanda habang lumalakas ang pressure mula sa mga supporters ni Trump ukol sa pagkamatay ni Epstein noong 2019 sa kulungan — na opisyal na tinawag na suicide — na nagpasimula ng mga conspiracy theory tungkol sa posibleng cover-up. Kamakailan, hiniling ng dating attorney general ni Trump na si Pam Bondi na buksan ang grand jury testimony sa kaso ni Epstein, dahil sa "extensive public interest."
Pero noong Hulyo, itinanggi ni Bondi ang umano’y "client list" ni Epstein, na ikinagalit ng ilang supporters. Nagdulot ito ng pagtatalo sa loob ng kampo ni Trump, lalo na sa far-right groups na nagnanais ng transparency.
(Larawan: Yahoo News on X)
