Sara, balak tumakbo sa 2028; suporta ng ama, kasado na!
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-07-23 16:19:28
HULYO 23, 2025 — Ibinunyag ni Vice President Sara Duterte na hinikayat siya ng kanyang ama, dating Pangulong Rodrigo Duterte, na tumakbo sa eleksyon ng 2028. Naganap ang usapan sa The Hague, kung saan nakakulong ang dating lider sa ilalim ng International Criminal Court (ICC) dahil sa mga paratang ng crimes against humanity.
Hindi man direktang inisaad ang posisyong kanyang target, madalas nang binabanggit ni Sara ang posibilidad ng pagtakbo bilang pangulo. Ayon sa kanya, siniguro ng kanyang ama ang buong suporta nito at hinimok siyang ituloy kung magdedesisyon siyang kumandidato. Nangako pa raw ito na pangungunahan ang kampanya kung sakaling makalaya. Sinabi rin niya na ang kanyang ama ang magiging una at pinakamatinding tagasuporta niya.
Nabanggit din sa kanilang usapan ang mga katunggali sa pulitika. Iginiit ni Sara na sinabi niya sa kanyang ama na malabo ang panibagong Marcos presidency.
“I told him, no one will vote for a Marcos for President,” pahayag niya, binatikos ang mga alyado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. “Who are his allies now, Makabayan? If Makabayan were to choose, it’s like they’ve completely given up their money-making philosophy of wanting to bring down the administration and install themselves as the government. So, no one’s going to vote for him anymore.”
(Sinabi ko sa kanya, wala nang boboto sa Marcos bilang pangulo. Sino ba ang mga kaalyado niya ngayon, Makabayan? Kung sila ang pipili, parang tuluyan na nilang tinalikuran ang kanilang prinsipyo para ibagsak ang administrasyon at sila mismo ang maghari. Kaya, wala nang boboto sa kanya.)
Lalong lumalalim ang hidwaan nila ni Marcos, dating magkaalyado sa ilalim ng “UniTeam” noong 2022. Aminado si Sara na nagsisisi siya sa pagboto rito, at aniya’y niyang ginamit lang siya para manalo laban kay dating VP Leni Robredo. Lalong uminit ang sitwasyon nang magbitiw siya sa gabinete ni Marcos at naghayag pa ng contingency plans laban sa pamilya nito.
Nagpapainit ang pahayag niya sa tsismis tungkol sa kanyang pulitikal na kinabukasan — at kung magbabalik ba sa kapangyarihan ang angkan ng mga Duterte.
(Larawan: Philippine News Agency)
